Marcos at AFP, lubhang napahiya sa pagkamatay ng 3 sundalo sa Mindoro

Lubhang napahiya si Ferdinand Marcos Jr at kanyang mga upisyal sa Armed Forces of the Philippines (AFP) matapos mamatay ang tatlong sundalo nito sa naganap na labanan sa Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Mindoro (Lucio de Guzman Command) noong Agosto 12 sa Barangay Lantuyang 2, Baco, Oriental Mindoro. Kasunod ito ng deklarasyon ni Marcos sa kanyang ika-apat na State Of The Nation Address noong Hulyo 28 na “wala nang grupong gerilya” sa bansa.

Napatay sa ikalawang labanan noong Agosto 12 ng BHB-Mindoro (Lucio de Guzman Command) at militar sa Barangay Lantuyang 2 ang tatlong sundalo kabilang ang isang kapitan ng 1st Scout Ranger Regiment sa ilalim ng 203rd IBde. Nabaril sa ulo at kaagad namatay ang lider ng yunit na si Cpt. Marky John Alberto. Naiulat na mayroong tatlong berdugong sundalo pa ang nasugatan.

“Sa tulong ng masa sa erya, nagmamaniobra ang yunit ng BHB para kontrahin ang pag-ensirkulo ng ilang kolum ng tropa ng kaaway…nang matyempuhan nila ang isang yunit ng pagod nang mga sundalo,” ayon kay Ka Marco Valbuena, upisyal sa impormasyon ng Partido Komunista ng Pilipinas.

Pinaputukan ng BHB-Mindoro ang yunit ng Scout Ranger para maka-alpas sa taktikang pag-ensirkulo ng mga ito. Dito na napatay ang mga upsiyal ng militar at nasugatan ang iba pa. “Nakikiramay kami sa mga pamilya ng namatay na mga sundalo sa labanan,” ayon kay Valbuena.

Samantala, iniulat ng BHB-Mindoro na ligtas na nakaatras sa lugar ng labanan ang yunit nito.

Bago nito, isang sundalo ng 203rd IBde rin ang napatay ng BHB-Mindoro sa aktibong depensa laban sa umaatakeng yunit ng kaaway sa Barangay Mangangan 2 sa Baco noong Agosto 9 ng umaga.

Para tabunan ang kahihiyan ng pagkatalo, at itaas ang moral ng kanilang mga sundalo, personal na nagtungo sa hedkwarters ng 203rd IBde sa Oriental Mindoro si AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr noong Agosto 14. Minaliit niya ang insidente sa pagsasabing ang nakasagupang yunit ng Scout Ranger ay ang tira-tirang mga Pulang mandirigma sa isla.

Binola niya ang kanyang mga sundalo sa pagpuri sa kanilang “hindi matatawarang katapangan, dedikasyon at propesyunalismo” sa kabila ng pagkamatay ng pagod sa operasyong mga sundalo.

Para sa Partido, itinuring nitong “isang mahalagang taktikal na tagumpay ng mamamayan ng Mindoro” ang naganap na labanan sa bayan ng Baco laluna sa harap ng walang-tigil na focused and sustained military operation at paghaharing militar ng AFP sa buong isla. “Tiyak na bibigyang inspirasyon nito ang masang magsasaka at Mangyan para lumaban nang may higit na sigasig, katapangan at militansya,” ayon kay Valbuena.

Binanggit ni Valbuena na patuloy ang pagsisikap ng BHB sa buong bansa na bawiin ang lakas nito mula sa nagdaang pagkatalo at muling pagbubuo sa mga organisasyong masa at organo ng kapangyarihang pampulitika. “Sa mahigpit na pagkakaisa ng masang magsasaka at kanilang hukbong bayan, tiyak kaming makapagkakamit ng higit pang mga tagumpay ang digmang bayan sa Mindoro at sa buong bansa,” pahayag ni Valbuena.

Source link