Ang Bayan Ngayon » Panibagong panggigipit ng Kowloon House West sa mga manggagawa, kinundena ng unyon

Mahigit isang buwan makalipas ang welga ng mga manggagawa ng Kowloon House West sa Quezon City, sunud-sunod ang mga pag-atake ng maneydsment laban sa karapatan ng mga manggagawa at unyon. Kumakaharap ang mga manggagawa sa pagbabanta, panghaharas, at intimidasyon, kasunod ng iligal na pagsasara at tanggalan sa noodle house ng Kowloon. Ang Kowloon ay pinatatakbo ng Katipunan Food Services Inc (KFSI).

Kinundena ng unyong Glowhrain-KMU-Kowloon House West Chapter ang serye ng mga pang-aatake. Pinakahuli sdito ang “premature” o maagang pagbabayad ng kulang na separation pay sa tinanggal na mga manggagawa ng noodle house at takeout counter na isinara noong Abril 22.

Ayon sa unyon, ipinagpipilitan ng maneydsment na bayaran ang mga manggagawa ng separation pay na katumbas lamang ng 15 araw bawat taon ng serbisyo sa halip na sa 22.5 araw bawat taon. Ginawa ito sa kabila ng nagpapatuloy pang mga negosasyon kaharap ang Department of Labor and Employment (DOLE).

Noong Mayo 11 sa isang pagdinig sa pagitan ng unyon at maneydsment kaharap ang DOLE, napagkasunduan ang 22.5 araw bawat taon kasama ang maneydsment. Samantala, hindi sumipot ang mga kinatawan ng kumpanya sa sana’y isa pang pagdinig noong Mayo 20. Nakatakda sa araw na iyon na ipinal ang bilang ng mga manggagawang ibabalik sa trabaho at ang pinal na halaga ng separation package ng mga aalisin.

Bilang taktika ng maneydsment, ikinulumpon nito ang huling sahod ng mga manggagawa sa separation pay para isahang tanggapin ng mga manggagawa. Anang unyon, atat na atat ang maneydsment na madaliin ang pagtatanggal sa mga manggagawa. Ginigipit rin nito ang manggagawa para tanggapin na lamang ang mababang alok.

Tinangka pa nito na pagwatak-watakin ang mga manggagawa sa akusasyong ang unyon ang nagtakda ng 15 araw lamang na separation pay. Pinakakalat din nito na ang unyon ang nagpatanggal ng midyear bonus sa separation pay. Ayon sa Glowhrain-KMU-Kowloon House West Chapter, lahat ng ito ay kasinungalingan at walang batayan o pruweba.

Maliban dito, pinuna rin ng unyon ang biglaang pagtigil sa produksyon ng kumpanya simula noong Mayo 21. Ayon sa mga manggagawa, walang paunang pabatid, paliwanag o kahit anong paglilinaw kaugnay nito mula sa maneydsment na nagdulot ng pangamba sa katiyakan sa trabaho ng mga manggagawa.

“Ang biglaang pagtigil sa produksyon ay panganib sa seguridad sa trabaho namin. Sabi ng management mataas ang demand sa produkto ngayon kaya bakit sila biglang titigil,” pahayag ni Bernard Dimaunahan, pangulo ng unyon.

Iniulat rin ng mga manggagawa na itinakas ng maneydsment ang mga makina sa produksyon sa restawran. Pinatindi nito ang pangamba ng mga manggagawa na naghahanda ang Kowloon para sa tuluyang pagsasara at pagtigil ng operasyon.

Nanawagan ang unyon sa DOLE na agarang mamagitan at tiyaking imbestigahan ang magkakasunod na insidente na lumalabag sa karapatan ng mga manggagawa at katiyakan sa trabaho. Hinimok rin nila ang publiko na suportahan ang kanilang kasalukuyang pakikibaka laban sa pagbuwag sa unyon, iligal na tanggalan at pagkakait ng makatarungang kabayaran at katiyakan sa trabaho.

“Pinaglaban namin ang karapatan namin sa sahod at trabaho noong welga at naisara ito in good faith. Ngayon malinaw na linalabag nila ang kasunduan dahil sa samu’t saring retaliatory actions,” ayon kay Dimaunahan. Aniya, sa abot ng makakaya ng unyon ay idinadaan ito sa lahat ng porma at proseso para mapaayos muli ang lagay sa kumpanya. “Pero hindi rin kami magdadalawang-isip kung kakailanganin muling magtirik ng welga,” militante niyang pahayag.

Source link