PRWC » Ilantad at labanan ang whitewash at victim blaming ng 2nd ID at AFP

Malaking kabalintunaan at kabaliwan ang babala ng 2nd Infantry Division hinggil sa pagrerekluta ng mga aktibistang Filipino-American katulad ni Cristina Pasion sa CPP-NPA-NDFP. Kakatwang ginagamit ng mga berdugo ang mga “ebidensya” na nakuha sa isang labanan sa isla ng Mindoro noong Marso 29 dahil lang sa simpleng gumamit ng salitang English ang may-akda ng notebook.

Ayon sa Compatriots-NDFP, si Christina Pasion ay aktibistang Filipino-American na lumaki sa US kaya’t walang batayan ang akusasyong siya ay rekruter ng NPA. Ipinaglalaban niya ang mga karapatan ng mga migrante sa ibayong dagat at nagpasyang bumalik sa bansa upang alamin ang tunay na kalagayan at makipamuhay sa mga magsasaka at katutubo. Katulad ni Pasion, malisyosong tinatakan ding NPA ng mga militar si Chantal Anicoche na iligal na dinakip noong Enero 1 matapos ang walang habas na pambobomba at pamamaril ng apat na yunit ng AFP sa Abra de Ilog.

Bagamat lumaki sa ibayong dagat, hindi hiwalay ang nararanasang hirap at pang-aapi ng mga migranteng Pilipino na danas rin ng kanilang mga kababayan sa bansa kaya naman naging aktibo sila sa mga kampanyang paggigiit ng mga lehitimo at demokratikong karapatan. Marami sa kanila ang naghahangad na makabalik sa tinubuang lupa ngunit hindi ito maisakatuparan dahil sa mataas na pangangailangang buhayin at iahon ang kanilang pamilya mula sa grabeng kahirapan sa Pilipinas. Mataas ang diwa ng ibang migranteng Pilipino, lalo yaong mga kabataan, na piliing tumungo sa bansa upang direktang alamin ang kalagayan ng kanilang inang bayan. Nakikibaka sila sa ibayong dagat para humingi ng pananagutan para sa mga kapwa Pilipinong biktima ng mga di pantay na kasunduan at batas na umiiral sa ilalim ng rehimeng US-Marcos II.

Ang mga argumento ng 2nd ID na “terorista ang CPP-NPA-NDFP”, sampu ng mga batalyong pasista ay paglabusaw sa katwiran ng lehitimong karaingan at paglaban ng mamamayan sa pamamagitan ng paglahok ng demokratikong rebolusyong bayan. Nais nilang maliitin ang makabayang diwa ng mga migranteng Pilipino na nakikibaka para sa karapatan ng kanilang mga kababayan kahit nasa ibayong dagat. Maruming taktika ng 2nd ID ang lantarang pagpapaganda ng imahe/pagtatakip (whitewashing), pag-akusa sa biktima (victim blaming) at pag-alimura (vilification) upang pagtakpan ang kanilang krimen sa bayan habang dinedemonisa naman ang rebolusyonaryong kilusan at mga progresibong organisasyon na naglalantad ng kasamaan at kabulukan ng estado.

Malinaw pa sa sikat ng araw ang katotohanan at matagal nang hindi binibili ng sambayanan ang kanilang argumento dahil nababatid ng publiko na ang tunay na gumagawa ng terorismo sa mamamayan ay walang iba kundi silang mga makasalanan at duguan ang kamay. Ipinapapapasan lamang nila ang kanilang krimen sa mga tunay na biktima ng rehimeng US-Marcos II.

Walang gulugod ang argumento ng 2nd ID na nakatuon sa paninira, kasinungalingan at pambabaluktot ng katotohanan para isalba ang napakabahong pangalan ng Armed Forces of the Philippines sa gitna ng mga karumaldumal na atrosidad nito sa taumbayan. Pinakahuli rito ang walang habas na pagpatay sa 19 katao noong Abril 19 sa Barangay Salamanca, Toboso, Negros Oriental kung saan 10 ang Pulang mandirigma at 9 ang sibilyang minasaker. Kabilang sa mga sibilyang biktima ng masaker ang dalawang Filipino-American na sina Lyle Prijoles at Kai Sorem. Walang awa silang pinatay ng 79th IBPA kahit pa batid ng mga ito na sila ay mga sibilyan at walang kapasidad na lumaban.

Ang pagiging kritikal, pagmamahal at malasakit sa kapwa at bayan na taglay ng mga katulad nina Pasion, Prijoles at Sorem ay hindi akto ng terorismo kundi pagtupad sa kanilang panlipunang responsibilidad (social responsibility) bilang marangal at may dignidad na indibidwal at bahagi ng pagsusulong ng tunay na pagbabagong panlipunan. Tumungo sila sa mga komunidad ng mga magsasaka at katutubo upang tunghayan sa kanilang mga mata mismo ang tunay na mukha ng kahirapan at pang-aapi sa mga kapwa nila. Umuusbong ang mga kabataang katulad nila maging sa ibayong dagat sa paghahangad na makalaya at wakasan ang paghahari ng imperyalismong US at iba pang imperyalistang superpower sa daigdig. Namumuhi sila sa matinding ligalig, henosidyo, karahasan, walang patid na kahirapan, kagutuman at iba pang malalalang porma ng kasamaan sa daigdig na hatid ng imperyalismo.

Hindi na dapat pagtakhan ang papalaking bilang ng mga mamamayang Pilipino, kahit pa galing sa ibayong dagat, na nais makipag-aralan sa NPA at mga mahihirap na komunidad ng mga magsasaka at katutubo sa kanayunan. Higit na tumitingkad ang pagpanig at pagsuporta ng masa sa higit limang dekadang paglilingkod at pagtatanggol ng NPA sa sambayanang Pilipino.

Anumang pambabaluktot at black propaganda ang ipakalat ng AFP, bistado na ang halang nilang bituka na umaalingasaw sa bawat buga ng kasinungalingan ng kanilang bibig. Tunay na dapat higpitan ang pagbabantay ng mamamayan, hindi sa propaganda o pagrerekluta ng CPP-NPA-NDFP kundi sa bawat paglabag sa karapatang tao, terorismong inihahasik at pandarambong ng estado sa yaman ng bansa. Dapat na ilantad ang lahat ng atrosidad ng rehimeng US-Marcos II at tipunin ang mga ito bilang kongkretong manipestasyon ng kabulukan ng sistemang malakolonyal at malapyudal. Sa paglala ng kasakiman at kasamaan, dapat na patingkarin ang diwa ng pambansa-demokratikong rebolusyon at isulong ito upang ganap na wakasan ang impyunidad at pasismong nananalaytay sa buong sistema ng reaksyunaryong pwersa ng AFP at estado.

Source link