Puspusan ang pagsisikap ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at mga alyadong organisasyon nito sa pagpapalawak at pagpapalalim ng pag-ugat sa masang Pilipino, kapwa sa kalunsuran at kanayunan. Sumikad nang malakas ang mga aktibidad ng NDFP mula nang inilunsad ng rebolusyonaryong kilusan ang isang kilusang pagwawasto noong Disyembre 2023.
Sa ika-53 anibersaryo nito, pinagtitibay ng NDFP ang gampanin nito bilang pinakakonsolidadong organisadong pwersa ng nagkakaisang prente ng sambayanang Pilipino para sa demokratikong rebolusyong bayan. Hinahalawan nito ng aral ang mga tagumpay at pagkakamali mula nang nabuo ito noong Abril 24, 1973.
Ayon sa Pambansang Kalihiman ng NDFP, ang pagsigla nito bilang isang rebolusyonaryong alyansa ay nakasalalay sa pagpapalakas ng mga rebolusyonaryong organisasyong masang bahagi nito. Mayroon itong 18 alyadong organisasyon sa kasalukuyan.
Sa nagdaang dalawang taon, nakapaglunsad ang NDFP ng mga kumperensya ng mga lihim na organisasyong masa para magkaisa sa tindig sa mga maiinit na isyu, magbahaginan ng mga karanasan at mga problema sa pag-oorganisa at pagkilos. Pinlano rin dito ang pinagkaisang aktibidad sa pagmumulat sa masa at pagsasagawa ng mga kilos protesta tulad ng raling-iglap, operasyon pinta-operasyon dikit (OP-OD) at mga programa sa kultura.
Hinikayat din ng NDFP ang mga alyado nito na maglathala ng kanilang mga pahayagan at nagbigay ng regular na mga pagsasanay sa gawaing propaganda. Naging mas masigla ang mga pag-aaral ng mga organisasyong masa, nakapagtala na ng bahagyang paglawak, at nakapaglunsad ng mga pambansang kongreso at pulong ng pambansang konseho ang ilang alyadong organisasyon. Mahigpit na isinulong ng NDFP at mga alyado nito ang 12-puntong programa ng alyansa.
Sa harap ng mga imperyalistang digmaan at agresyon ng US sa kasalukuyan, nanawagan ang NDFP sa mga alyado nito at sa mamamayang Pilipino na isulong ang isang aktibo, malaya, at mapayapang patakarang panlabas upang ipaglaban ang kaligtasan ng bansa. Anito, dapat puspusang isulong ang demokratikong rebolusyong bayan bilang natatanging tugon sa krisis na dulot ng imperyalismong US.
Pagdiriwang ng anibersaryo
Sa nagdaang mga linggo, nagsagawa ng iba’t ibang aktibidad ang mga alyado ng NDFP para ipagdiwang ang ika-53 anibersaryo nito. Inilunsad nila ang magkakahiwalay na raling-iglap, OP-OD, pamamahagi ng polyeto, at mga talakayan at pag-aaral.
Ang mga ito ay isinagawa ng Kabataang Makabayan, Katipunan ng mga Gurong Makabayan, Liga ng Agham para sa Bayan, Makabayang Samahang Pangkalusugan, Artista at Manunulat ng Sambayanan at Compatriots. May mga idinaos sa Metro Manila at Batangas, pati na sa Australia. Sa loob ng mga larangang gerilya, nagdiwang rin ang Bagong Hukbong Bayan kasama ang Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid.
Naglabas ng pahayag ng pagbati sa NDFP ang iba pang alyadong organisasyon at mga balanagay nito. Nagpaabot rin ng pagbati ang mga internasyunal na partido at organisasyon kabilang ang Friends of the National Democratic Front/Friends of the Filipino People in Struggle.











