Ang Bayan Ngayon » Negosyong pabahay sa loob ng UP, binatikos

Kinundena ng mga komunidad at residente sa University of the Philippines (UP) Diliman sa Quezon City ang paglulunsad noong Hulyo 2 sa “modelong yunit sa pabahay” ng negosyong Southern Diliman Gardens Rental Housing Project na kaugnay ng UP Sustainable Development Goals (SDG) Wellness Park Project. Ayon sa Samahan ng Mamamayang Nagkakaisa sa Diliman (SAMANA Diliman), tutol ang mga komunidad ng UP sa naturang pabahay dahil magiging dagdag pasanin lamang nila ito habang kikita ng bilyun-bilyon ang mga kontratista sa proyekto at ang UP.

Ang UP SDG Wellness Park ay isang proyekto ng administrayon ng UP na ipinapakete bilang espasyo ng pagkatuto, maka-kalikasan at pagtulong sa mga estudyante at komunidad. Bahagi ng naturang proyekto ang pagtatayo ng golf driving range, mga “maka-kalikasang” pasilidad, negosyong pabahay at iba pang gusali. Mapalalayas ng proyekto ang mga komunidad ng Pook Aguinaldo, Area 17, Malantic, bukid ng Krus na Ligas, CP Garcia, Pook Arboretum at marami pang iba. Tinatayang mahigit 70,000 pamilya ang kabuuang maapektuhan nito.

Ang partikular na itinatayong pabahay ay isinusulong ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), Office of Vice Chancellor for Community Affairs, Quezon City Housing Community Development And Resettlement Department, lokal na gubyerno ng Barangay UP Campus at ng Megawide Construction.

“Walang pumayag dyan sa sinasabi nyong rental housing mula sa mga komunidad ng UP Diliman. Grabe ngiti ninyo, paldo sa bilyun-bilyong badyet na ilalaan sa rental housing project kuno, kung saan mas malaki pa makukuhang kikbak at maibubulsa,” pahayag ng SAMANA Diliman.

Binatikos rin ng grupo ang pa-nakaw at patago na ribbon cutting para sa naturang pabahay. Anang grupo, hindi inianunsyo ng mga ahensya at ng UP ang aktibidad at walang residenteng inimbitahan. Samantala, nagsilbing gwardya sa naturang aktibidad ang mga pulis at blue guards.

“Ang mga upisyal, staff at mga bisita nila ay nanago lang sa loob ng bakod habang nilalantakan ang catering na sa malamang ay mula din sa pondo ng bayan,” ayon sa grupo. Pagdidiin ng SAMANA Diliman, “halatang halata kung sino ang totoong makikinabang sa proyekto.”

Samantala, ilang araw bago ang naturang aktibidad ay sinugod ng SAMANA Diliman at mga progresibong oranisasyon ng mga residente, magsasaka, kabataang-estudyante, mga kawani at guro sa UP Diliman ang porum ng UP hinggil sa lokalisasyon ng mga SDG sa Asian Institute of Tourism noong Hunyo 25. Inantala ng protesta ang pambungad na pananalita ni UP President Angelo Jimenez.

Panawagan nilang ibasura ang UP SDG Wellness Park na magpapalayas sa mga dati nang naninirahan sa lugar at sisira sa nalalabing lupang taniman at sakahan sa UP Diliman at katabing mga barangay. Naglabas ng anim na puntong kahingian ang SAMANA Diliman na iginigiit nilang pakinggan ng administrasyon ng UP.

Panawagan nila na ilunsad ang tapat na konsultasyon sa mayorya ng apektadong residente hinggil sa proyekto at kagyat na ihinto ang lahat ng hakbang sa pagpapatupad ng proyekto. Ito ay habang nagpapatuloy ang negosasyon at wala pang ganap na kasunduan sa pagitan ng mga residente at administrasyon ng UP.

Pinaaalis nila ang armadong mga gwardya at pinatatanggal ang mga outpost ng mga ito sa nasasakupan ng komunidad at itigil ang panghaharass ng mga armado at hindi armadong pwersa ng mga gwardya, PNP at DILG na mga partner ng UP Admin sa nasabing proyekto tulad ng ginagawa nilang pagsira sa pananim, paggiba sa mga bahay at paniniktik sa mga mamamayan na tutol sa proyekto.

Panawagan nilang kilalanin ang Notice of Coverage ng DAR sa lupain ng mga magsasaka na tatamaan ng proyekto. Bigyan ng serbisyo at suporta ng gubyerno ang mga magsasaka rito upang mapaunlad ang kanilang mga sakahan.

Gayundin, hinihimok nilang baguhin ang bahagi ng UP Charter na nagsasaad ng pagbabawal at pagpapahirap sa mga residente sa pagpapaunlad ng kanilang mga kabahayan at naglilimita sa kanila sa hanggang tatlong taon lamang na paninirahan sa nasasakupang lupa ng UP Diliman bagkus pahintulutan sila na paunlarin ang kanilang mga sariling pamamahay.

Higit sa lahat, giit nilang ibigay sa mga residente ang karapatan na manatili sa kasalukuyan nilang mga tahanan. “Isulong ang karapatan sa makataong pabahay at makatarungang kaunlaran para sa lahat!” nagkakaisang panawagan ng mga grupo.

Source link