Nagsama-sama sa University of the Philippines (UP)-Diliman Theater sa Quezon City noong Mayo 11 ang humigit-kumulang 2,000 kapamilya, kasama, kaibigan, at mga bisita para bigyang parangal ang mga martir ng Toboso o kilala bilang Negros 19. Ang mga martir ay binubuo ng siyam na hindi armadong mga indibidwal at 10 Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) na minasaker ng 79th IB noong Abril 19 sa Barangay Salamanca, Toboso, Negros Occidental.
Ang programa ng pagpaparangal ay pinangunahan ng UP Diliman University Student Council, Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at Karapatan. Ayon sa mga organisador, inilunsad ang pagtitipon para magkakasamang kilalanin ang tapang, talino, at pagmamahal na inalay sa bayan ng buong Negros 19.
Mahigit dalawang oras ang itinagal ng parangal na napuno ng mga talumpati, testimonya, bidyo, at mga pagtatanghal ng rebolusyonaryong awitin, tula at sayaw. Itinampok ng mga ito ang buhay ng paglilingkod sa masa ng Negros 19 at ang hindi nagagaping paglaban ng masang Negrosanon sa gitna ng nagpapatuloy na kahirapan, pagsasamantala, at militarisasyon sa isla ng Negros.
Dumalo at nagbigay ng mga mensahe sa parangal ang mga kaanak at kaibigan nina Alano, Ledesma, Santuyo, Errol Wendel, Prijoles at Sorem. Napuno ng mga kwento ng buhay, biro at katuwaan, militansya at nag-aalab na apoy ng pakikibaka ang mga mensahe nila.
Sa mensahe ng ina ni Alano na si Shiela, nagpahayag siya ng pag-asa na ipagpapatuloy ng naiwang mga kasama ang pangarap ni Alano para sa bayan. “Huwag nating hayaan na mabura siya sa mundong ito … Ako’y nananawagan, na ituloy natin ang laban na nasimulan nila. Dahil alam nating lahat, iyon ang gusto nila, pagbabago ng sistema, matulungan ang mga maralita ng Negros,” aniya.
Nagpaabot naman ng isang mensaheng parangal si Marco Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng Partido Komunista ng Pilipinas. “Ikinararangal ng Partido at ng Bagong Hukbong Bayan na ang mahaba o maiksing panahon, ay nakaulayaw ang mga martir at bayani ng Toboso sa landas ng pambansa-demokratikong rebolusyon. Panata naming bigyan ng katarungan ang kanilang kamatayan,” aniya.
“Mula sa lupang diniligan ng kanilang dugo, libu-libo pang mga anak ng bayan ang uusbong, magbabangon, maghihimagsik at babagtas sa mahaba at liku-likong daan ng digmang bayan patungo sa mapulang araw ng tagumpay,” pahayag ni Valbuena. Nagtapos ang pagtitipon sa pag-awit sa Internasyunal.











