Muling naglunsad ng kilos protesta sa Navotas City ang mga mangingisda ng syudad kontra sa mga proyektong reklamasyon sa Manila Bay noong Hunyo 8 bilang paggunita sa World Oceans Day. Pangunahing binatikos ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya)-Navotas ang 650-ektaryang Navotas Coastal Bay Reclamation Project.
Ang naturang proyektong reklamasyon ay itinutulak ng lokal na gubyerno at kasosyo nitong Argonbay Construction Company, subsidyaryo ng San Miguel Corporation (SMC) na pag-aari ng burgesyang kumprador na si Ramon Ang. Ang reklamasyon ay pinaniniwalaang kaugnay ng New Manila International Airport sa Bulacan na proyekto rin ng SMC.
Ayon sa Pamalakaya-Navotas, isinasapanganib ng proyektong reklamasyon ang mga karapatan, kabuhayan at buhay ng mga residente sa syudad. Mayroon anila itong kaakibat na banta ng pagpapalayas, papatinding pagbaha at tuluy-tuloy na pagkawasak ng kalikasan. Noong Marso 2024, daan-daang tahungan sa Navotas City ang binaklas ng lokal na gubyerno sa ngalan ng reklamasyon. Sinaklaw nito ang mahigit anim na kilometrong haba at tatlong kilometrong lapad ng tahungan.
“Higit dalawang taon nang halos walang makain ang aming mga pamilya buhat ng tanggalin ang aming mga tahungan dahil sa reklamasyon. Dapat ibalik ang pangunahing kabuhayan sa dagat at tuluyan nang ipatigil ang mga mapanirang proyektong ito,” pahayag ni Romel Escarial, pangulo ng Pamalakaya-Navotas.
Samantala, binatikos rin ng mga mangingisda ang Philippine Reclamation Authority (PRA) sa pagtutulak nitong pahintulutang magpatuloy ang dalawang proyektong reklamasyon sa Manila Bay. Ang proyektong reklamasyon sa Bacoor City at ang reklamasyon sa 318-ektaryang Manila Waterfront City ay kapwa nakapailalim sa suspensyon mula pa Agosto 2023.
Ayon sa pambansang tagapangulo ng Pamalakaya na si Fernando Hicap, “nagkukumahog ang PRA na magpatuloy ang reklamasyon at binabalewala ang umiiral na suspensyon at ang pag-aaral ng mga eksperto kaugnay sa masamang dulot nito.” Aniya, dapat nang buwagin ang ahensya sa pagiging instrumento ng malawakang pagkasira ng mga pook-pangisdaan at yamang-dagat.
Noong Abril 2025 ay inilabas mismo ng Department of Environment and Natural Resources ang pag-aaral ng University of the Philippines Marine Science Institute (UP MSI) at Marine Environment and Resources Foundation (MERF) hinggil sa masamang epekto ng mga reklamasyon sa Manila Bay. “Hindi natapos ang pinsalang dulot ng reklamasyon sa kabuhayan ng maraming mangingisda sa Manila Bay. Maging ang mga malaganap na pagbaha sa kalakhang Maynila at mga karatig na prubinsya ay dahil sa mga naturang proyekto,” pahayag ni Hicap.











