Ang Bayan Ngayon » Libu-libong mangingisda sa Panay, hinahambalos ng Habagat; naghahanda sa epekto ng El Niño

Mahigit 180,000 mangingisda sa isla ng Panay ang hinahambalos ngayon ng Habagat o sigwada habang naghahanda sa paparating na penomenon ng El Niño. Ayon sa Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya), ang magkasunod na sakunang ito ay maghahatid ng napakalubhang pinsala sa kabuhayan ng maliliit na mga mangingisada at residente sa baybayin sa isla.

Sa panahon ng sigwada, tumitigil sa pagpalaot ang mga mangingisda dahil sa malalaking alon at malalakas na hampas ng hangin, kadalasan mula Hunyo hanggang Setyembre. Inaasahan namang tumindi ang El Niño sa Agosto.

“Pambihirang pagkakataon na sabay iiral ang Habagat at El Niño. Inaasahang paiigtingin ng El Niño ang mga ulan na dala ng Habagat,” pahayag ni Nathaniel Bagaut, tagapagsalita ng Pamalakaya-Panay.

Aniya, mas magiging mapaminsala ang epekto ng penomenon sa mga komunidad ng mangingisda at higit na magiging mapanganib sa laot. “Mahigit apat na buwan na walang katiyakan ito para sa maraming mangingisdang sa dagat umaasa,” ayon pa kay Bagaut.

Bago pa ang pagtama ng Habagat, nauna nang nanawagan ang Pamalakaya sa Department of Agriculture (DA) na agad nitong ilabas at ipamahagi ang pinansyal na tulong para sa mga mangingisda. Anang grupo, tiyak na babagsak ang produksyon sa pangingisda sa ikalawang hati ng taon dahil sa magkakasunod na sakuna.

“Una nang naapektuhan ang kabuhayan ng mga mangingisda dahil sa pagsirit ng presyo ng langis nitong unang bahagi ng taon, ngayon naman ay ang natural na kalamidad na sinasabayan ng kapabayaan ng pamahalaan,” pahayag ni Fernando Hicap, pambansang tagapangulo ng Pamalakaya.

Malaki umano ang pananagutan ng rehimeng Marcos sa mga mangingisda laluna at walang kongkretong ginagawa ang gubyerno para alalayan ang mga mangingisdang apektado ng krisis at natural na kalamidad. Dagdag pasakit rin sa sektor ang patakarang “no sail zone” na ipinataw ng rehimeng Marcos sa nagdaang mga war games ng US sa bansa.

Source link