Mahigit isang buwan nang walang nakakamtang hustisya ang pamilya at kaanak ng magsasakang T’boli na si Jonathan Kubot mula nang paslangin ng mga sundalo ng 105th IB. Pinatay siya ng militar noong Marso 25 sa Sityo Lam-afus, Barangay Lambangan, T’boli, South Cotabato.
Ayon sa ulat, katatapos lamang maglinis ng palayan ni Kubot nang makita siya ng mga sundalo. Dinampot siya ng mga ito, ipinailalim sa tortyur, at pinilit na umamin na siya ay mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Pinaslang siya nang walang makuhang impormasyon mula sa kanya.
Samantala, nakalaya noong Mayo 9 ang dalawang Dumagat na bilanggong pulitikal na sina Rocky Torres at Abelardo “Dandoy” Avellaneda matapos ang halos walong taong detensyon. Ibinasura ng korte ang gawa-gawang mga kasong pagpatay at illegal possession of firearms and explosives laban sa kanila.
Dinakip sila ng militar noong Mayo 14, 2018 sa General Nakar, Quezon, matapos ang isang engkwentro sa BHB. Habang nakapiit, dumanas ang dalawa ng matinding tortyur, pisikal na pananakit, at paglubha ng kalusugan.










