PRWC » Kalihim sa depensa ng GRP, uhaw-sa-dugo

Muling pinatunayan ni Department of National Defense Sec. Gilberto Teodoro ang pagiging uhaw-sa-dugo at kontra-kapayapaan nang tahasang tanggihan ang mga mungkahi ng dating mga negosyador sa kapayapaan para sa Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) na muling buksan ang negosasyon. Iminungkahi ito ng mga dating negosyador kasunod ng madugong masaker sa Toboso 19 sa Barangay Salamanca, Toboso, Negros Occidental.

Kinundena ng mga maka-kapayapaang grupo ang agarang pagbasura ni Teodoro sa mungkahi. Anila, patunay ito na hindi interesado ang rehimeng Marcos na tugunan ang mga ugat ng armadong tunggalian sa bansa. Dala nito ang mensahe na tanging brutal na kampanyang kontra-insurhensya ang gagamitin sa halip na solusyunan ang pag-aalsang panlipunan.

Kasunod ng mga palitan ng pahayag na ito, naglabas ng bukas na liham ang Negotiating Team ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at nagpasalamat sa mga sumusuporta at nagtutulak ng usapang pangkapayapaan. Nag-ulat din ang panel sa mga pag-usad matapos pirmahan ng GRP at NDFP ang Oslo Joint Statement noong Nobyembre 23, 2023 kung saan nagsilbing third party facilitator ang Royal Norwegian Government.

Ayon sa NDFP, karamihan sa mga isyu hinggil sa kasunduan na kalakhan kontrobersyal, ay naresolba sa loob ng mahigit dalawang taon ng urong-sulong na mga pagpupulong. Gayunman, mayroong isang matigas na paninindigan ang GRP na hindi sang-ayon ang NDFP na kaugnay ng disposisyon ng rebolusyonaryong armadong pwersa. Iginigiit ng GRP na dapat isama iyon sa magiging balangkas ng pag-uusap nang walang naunang pagtuon ng pansin sa pagresolba ng mga problemang panlipunan, pang-ekonomya at pampulitika na nasa ugat ng armadong tunggalian.

Lagi’t laging naninindigan ang NDFP na ang Joint Statement ay dapat humantong sa muling pagbubukas ng usapang pangkapayapaan batay sa pagkakasunud-sunod ng mga sustantibong adyenda na matagal nang nakalatag sa nakaraang mahigit 25 taon ng negosasyon sa pagitan ng NDFP at GRP. Nag-uugat ito sa paniniwala na tanging ang paglutas sa kasalukuyang mga sakit ng lipunang Pilipino—gaya ng matinding kahirapan, kawalan ng lupa at reporma sa lupa, kakulangan ng mga industriya, malalang korapsyon sa burukrasya, at kawalan ng soberanya—ang tunay na makakatiyak sa isang makatarungan at matagalang kapayapaan.

Source link