Mga protestang magsasaka ang sumalubong noong Hunyo 10 sa ika-38 taong ng bangkaroteng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP). Tinagurian nila ang programang ito bilang “pinakamatagal, pinakamagastos at pinakamadugong huwad na reporma sa lupa” na ipinatupad ng reaksyunaryong estado.
Sa loob ng apat na dekada, hindi binuwag ng programa ang monopolyong kontrol ng mga panginoong maylupa at kapitalista sa malalawak na mga asyenda, plantasyon at malalaking tipak ng lupa. Sa halip, nagsilbi itong instrumento ng mga dayuhang kumpanya at lokal na panginoong maylupa para palawakin ang kanilang mga plantasyon para sa mga tanim pang-eksport, proyektong real estate at “pangkaunlaran,” at nitong huli, mga proyekto para sa renewable energy sa mga lupang pang-agrikultura.
Pinalala pa ang kaayusang ito nang ipatupad ng rehimeng Marcos ang Support to Parcelization of Lands for Individual Titling o SPLIT ng World Bank. Layunin nitong basagin ang kolektibong pag-aari ng mga asosasyong magsasaka sa mga parsela ng lupa para gawing mas madali ang pagbenta ng indibidwal na mga parsela sa mga dayuhang kumpanya. Isinabay dito ang tinaguriang “Emancipation Act” para diumano sa “pagpapatawad” sa mga utang ng mga magsasaka, para wala nang babayaran ang mga bibili.
Habang ipinagkakait ang lupa sa mga magsasaka, sinasamantala ng mga dayuhang kumpanya at panginoong maylupa ang murang lakas-paggawa ng milyun-milyong magsasakang pumapasok sa mga di regular na mga trabaho para mabuhay. Sinasahuran sila ng mas mababa pa sa pambansang minimum, na malayong-malayo sa nakabubuhay na sahod.
Isulong ang pakikibaka para sa reporma sa lupa
Kabaligtaran sa pagturing ng CARP sa lupa bilang kalakal, itinuturing ito ng rebolusyonaryong kilusan bilang karapatan ng mga nagbubungkal. Pangunahing demokratikong nilalaman ng programa para sa demokratikong rebolusyong bayan ang pagtupad sa hangarin ng mga magsasaka na magmay-ari ng lupang binubungkal, at ang pagpawi sa iba’t ibang porma ng pagsasamantalang pyudal at malapyudal. Tanging sa pagbabago ng kaayusan sa kanayunan mababago ang malapyudal na sistemang panlipunan sa Pilipinas.
Alinsunod sa Rebolusyonaryong Gabay sa Reporma sa Lupa (RGRL) ng Partido Komunista ng Pilipinas, prinsipal na tungkulin ng demokratikong gubyernong bayan na “makamit ang hangaring ito sa pamamagitan ng pagpapatupad ng komprehensibong reporma sa lupa.” Nasa kaibuturan nito ang libreng pamamahagi ng lupa sa mga maralita at nakabababa hanggang panggitnang magsasaka. Kaakibat nito ang pagsusulong ng programa para sa pagtutulungan sa produksyon at pagpapalakas ng kapangyarihang pampulitika ng mga magsasaka laban sa mga naghaharing uri at kanilang mga armadong galamay sa kanayunan.
Kahit hindi pa nakakamit ang pambansang tagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan, ipinatutupad na ng Partido at mga rebolusyonaryong pwersa ang RGRL, partikular na ang minimum na programa nito ng pagpapababa ng upa sa lupa, pagpawi sa usura, at pagtataas sa sahod ng mga manggagawang-bukid. Isinasakatuparan din ang mga programa para itaas ang kita ng mga magsasaka at isinusulong ang panawagan para sa pinakamainam na presyo ng kanilang mga produkto. Sa balangkas ng RGRL, inilulunsad ang mga pakikibakang anti-pyudal para makamit ang hustisyang panlipunan para sa milyun-milyong magsasaka at pakilusin sila para sa demokratikong rebolusyong bayan. Sa mismong sandali ng pagbagsak ng reaksyunaryong estado at pagtatayo ng demokratikong gubyernong bayan, ipatutupad ang maksimum na programa ng libreng pamamahagi ng lupa sa mga magsasakang nagbubungkal.
Sentral na tungkulin ang pagtatayo at pagpapalakas ng mga samahang magsasaka sa ilalim ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid (PKM). Sa gayon, tumpak ang panawagan ng PKM para palakasin ang mga pakikibakang anti-pyudal, palawakin ang mga samahang masa sa kanayunan, buuin ang libu-libong grupong pang-organisa, at masikhay na ilunsad ang mga kampanyang masang anti-pyudal, anti-pasista at anti-imperyalista. Panawagan din nito ang pag-aambag ng libu-libong Pulang mandirigma sa Bagong Hukbong Bayan (BHB).
“Pinakamataas na porma ng paglaban ng masang magsasaka ang mismong pagtangan ng armas,” saad ng PKM sa pahayag nito noong Hunyo 10. Anito, sa paglakas ng BHB sa mga larangan, sa mga lupang may mga imperyalistang proyekto, at mga sakahang kinakamkam at pinalalayas ang mga magsasaka, hakbang-hakbang na madudurog ang kapangyarihang pampulitika at pang-ekonomya ng papet na estado at ng imperyalismong US.










