Ang Bayan Ngayon » Mga katutubo sa Kalinga, nanawagan ng pagbasura sa permit ng Malikaka Mining Co.

Nananawagan ang mga katutubo mula sa Barangay Balatoc, Pasil, Kalinga sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) na ipatigil ang planong malawakang pagmimina ng Makilala Mining Company Inc. (MMCI) sa kanilang lupaing ninuno. Nagpaabot din ng reklamo ang mga katutubo sa Department of Environment and Natural Resources at sa ibang ahensya ng gubyerno.

Nakakuha ang kumpanya ng permit para Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) and Certification Precondition (CP) noong Marso 2024 bago naglabas ng sertipikasyon ang NCIP noong Setyembre sa parehong taon.

Ayon sa mga katutubo, tahasang paglabag sa Indigenous Peoples Rights Act ang proseso ng pag-apruba ng permit ng kumpanya. Anila, hindi ito dumaan sa proseso ng pagkuha ng Free, Prior and Informed Consent ng komunidad bago simulan ang pagmimina.

Ayon sa mga komunidad ng mga katutubong Balatioc at grupong Balatoc Young People, pineke ng kumpanya ang kanilang mga pirma. Nilinlang nito ang mga residente upang makakuha ng permiso para sa Memorandum of Agreement ng proyekto noong 2022. Ang malala, dahil sa mina, pinailalim ang komunidad sa militarisasyon, Red-tagging at pagpasok ng mga sundalo sa kanilang komunidad.

Tinawag nila ang proyekto na banta sa kanilang lupaing ninuno at sa paraan ng kanilang pamumuhay. Anila, magdudulot ang malwakang pagmimina ng polusyon at pagkatuyo ng ilog Pasil at Chico, pagguho ng lupa, at pagkasira ng kagubatan. Makakaapekto din ito sa kalusugan ng mga residente at sa kabuhayan ng mga magsasaka na naka-asa sa pagtatanim at sa likas na yaman.

Source link