PRWC » Karapatan sa lupa at kabuhayan, ipaglaban!

Sa iba’t ibang panig ng bansa, kumikilos ang mga magsasaka, magingisda at katutubo para sa kanilang karapatan sa lupa, kabuhayan at paninirahan laban sa mga lokal at dayuhang korporasyon at sa harap ng kapabayaan at pasismo ng rehimeng Marcos.

Sa Benguet, naglunsad ng prayer vigil ang mga porter, manininda at residente sa La Trinidad Vegetable Trading Post noong Mayo 13 upang kundenahin ang pag-aangkat ng Department of Agriculture ng mga karot. Inianunsyo ng kagawaran ang planong pag-angkat nito ng 6,000 metriko tonelada ng karot para sa Abril, Mayo at Hunyo upang tugunan diumano ang kakulangan sa suplay at maibaba ang presyo nito sa merkado.

Sa Isabela, ilampung magsasaka mula sa iba’t ibang bayan ng prubinsya ang nagtipon sa asembliya ng Danggayan Dagiti Mannalon ti Isabela (Dagami) at nagmartsa sa Santiago City noong Mayo 11 para manawagan ng tunay na reporma sa lupa, suporta sa produksyon, at pagtataguyod ng karapatan ng magbubukid. Sa asembliya, binuo nila ang isang taong plano ng aksyon at inanunsyo ang bagong halal na upisyal at lider na magpapatatag sa organisasyon sa gitna ng krisis sa kanayunan.

Sa Dagupan City, Pangasinan, nagtipon ang maliliit na mangingisda sa isang konsultasyong pinangunahan ng Pamalakaya noong Mayo 11, upang tutulan ang komersyal na pangingisda sa loob ng 15-kilometrong municipal waters. Ipinangangamba nila ang pagdami ng malalaking bangka sa Lingayen Gulf kasunod ng desisyon ng Korte Suprema noong Disyembre 2024 na nagpapahintulot sa malalaking kumpanya na mangisda rito. Planong makipagdayalogo ng grupo sa BFAR Region 1 para igiit ang proteksyon sa kanilang kabuhayan.

Sa Nueva Vizcaya, nagtayo ng barikada noong Mayo 9 ang mga residente ng mga barangay ng Pao, Paquet at Kakidugen sa Kasibu bilang pagtutol sa proyektong eksplorasyon ng North Luzon Mineral Resources Corporation. Tinayo ang mga barikada upang harangin ang pagpasok ng mga gamit ng kumpanya at langis at paglabas ng mineral sample. Sakop ng eksplorasyon ang 4,456 ektarya ng lupang ninuno ng Bugkalot/Ilongot para sa pagmimina ng ginto at tanso.

Sa Quezon City, nagbarikada ang mga residente at magsasaka ng Pook Malantik, Barangay UP Campus noong Mayo 20 para pigilan ang pagpasok ng mga materyales para sa konstruksyon ng UP-DSHUD Housing Project na bahagi ng nakaambang proyektong UP SDG Wellness Park. Mapalalayas ng konstruksyon ng Megawide Construction Corporation ang mga residente. Isang hiwalay na rali ang isinagawa noong Mayo 12 ng katabing komunidad na Pook Aguinaldo laban sa proyekto.

Sa Bukidnon, kinundena ng mga katutubong Manobo ang pagbabakod at pangangamkam ng Green Arrow Agriventures Inc-Kennemer Foods International sa kanilang lupang ninuno sa Don Carlos. Balak ng kumpanya na palawakin ang plantasyon nito ng saging sa inaagaw na lupa. Ginagamit ang Support to Parcelization of Lands for Individual Titling (SPLIT) Project ng World Bank para sa pangangamkam sa lupang ninuno.

Source link