Noong Mayo 28-30, inilunsad ng US Coast Guard, karay-karay ang mga barko ng Philippine Coast Guard, ang tinawag nitong “pinagsanib na pagpapatrulya” sa Bajo de Masinloc (Scarborough Shoal). Sa pagpapatrulyang ito, “inensayo” ng US ang mga Pilipino sa mga operasyong pagpasok, pagrekisa at pagkumpiska ng mga barkong itinuturing na “kalaban” o gumagawa ng krimen sa karagatan; panghaharang, pananabat, at pangrerekisa ng mga ito; at pagpupulis sa karagatan.
Lantaran itong panghihimasok at panggagatong sa mga hidwaan at tensyon sa karagatan. Labag din ito sa kahingian ng mga Pilipino, laluna ng mga Pilipinong mangingisda, na payapa at diplomatikong resolbahin ang mga sigalot sa dagat sa pagitan ng Pilipinas at China. Imbes na bawasan ang presensya ng mga pwersang armado sa paligid na karagatan ng bahura para maigiit ang karapatan ng maliliit na mangingisdang Pilipino, lalo nitong ginawang mahirap hanggang imposible ang payapang paglalayag at pangingisda nila doon.
Ang Bajo de Masinloc ay sentro ng mainit na tunggalian dahil sa magkasabay na pag-angkin dito ng China, Pilipinas at Taiwan. Noong 2016, idineklara ng Permanent Court of Arbitration ang karagatan sa paligid nito bilang tradisyunal na fishing grounds ng maliliit na mangingisdang Pilipino, Chinese at Vietnamese.











