Ang Bayan Ngayon » Red-tagger na hepe ng pulis sa Cordillera, inutusan ng korte na magbayad ng danyos sa lider aktibista

Inilabas kamakailan ang desisyon ng isang korte sa Benguet na nag-uutos sa dating hepe ng pulis na si R’win Pagkalinawan na magbayad ng danyos sa lider-aktibistang si Windel Bolinget. Ang desisyon ay ginawa noong Pebrero 29 pero inilabas lamang kamakailan. Si Pagkalinawan ay dating direktor ng Police Regional Office-Cordillera habang si Bolinger ay tagapangulo ng Cordillera People’s Alliance. Itinakda ng korte ang danyos perwisyos sa halagang P30,000, P20,000 para sa pinsalang pangwasto, at P10,000 para sa bayad sa abugado.

Napagpasyahan ng hukuman na si Bolinget ay biktima ng mapanirang pagsasakdal at malinaw na nalabag ang kanyang konstitusyonal na mga karapatan. Iligal siyang ikinulong batay sa mahina at walang batayang mga kaso na kalaunan ay ibinasura din. Nilabag din ang kanyang karapatan sa pribasiya sa pamamagitan ng manhunt at sarbeylans. Ang paglalabas ng warrant of arrest kasama ang “shoot-to-kill” na utos ay naglagay sa kanyang buhay sa kapahamakan.

Noong Hunyo 23, 2023, nagsampa si Bolinget ng kasong sibil laban kila Pagkalinawan, pati kina Major Ruth Dizon at kay Ranel Tibog Vender. Si Dizon ay dating hepe ng Kapalong Municipal Police na nagsampa ng kasong pagpaslang laban sa kanya, habang si Vender ang nagsilbing pekeng saksi sa kaso. Hiniling niya sa korte ang P300,000 na danyos perwisyo para sa aktwal, moral at pinsalang pagwawasto at P100,000 para sa bayad sa abugado at gastos sa pagkakaso.

Ang kasong sibil ay nag-ugat sa kasong pagpatay na isinampa laban sa kanya at sa iba pang mga aktibista noong Agosto 2018 ng Regional Trial Court sa Tagum City, Davao del Norte. Iniuugnay sila ng pulisya sa pagpaslang kay Garito Tiklonay Malibato noong Marso 2018. Si Malibato ay isang Lumad na ipinagtanggol ang kanyang lupaing ninuno laban sa malalaking plantasyon. Siya at ang kanyang organisasyong Karadyawan ay biktima ng Red-tagging ng militar. Naniniwala ang pamilya ni Malibato at ang Karadyawan na ang Alamara, isang grupong paramilitar na may ugnayan sa militar, ang tunay na may salarin.

Noong Setyembre 2020, iniutos ng Regional Trial Court, Branch 30, sa Tagum City ang pag-aresto kay Bolinget at sa 10 iba pa. Noong Enero 2021, naglabas si Pagkalinawan ng “shoot-to-kill” na utos sakaling manlaban si Bolinget, matapos mag-anunsyo ang pulisya ng Kalinga ng P100,000 pabuya para sa impormasyong magreresulta sa kanyang pagkakaaresto.

Sumuko si Bolinget sa National Bureau of Investigation at ikinulong nang mahigit isang buwan. Ibinasura ng hukuman sa Tagum City ang kaso noong Hulyo 12, 2021.

Ayon kay Bolinget, ang mga pangyayaring ito ay nagdulot ng matinding mental na pagdurusa, matinding pagkabalisa, pagdurusang moral, kahihiyan, at pinsala sa kanyang reputasyon.

Source link