Sapilitang pinasok at hinalughog ng mga sundalo ng 43rd IB noong Hunyo 9-10 ang maraming bahay sa Barangay Caputoan, Las Navas, Northern Samar sa paghahanap ng isang 4-buwang sanggol. Ayon sa mga residente, hindi malinaw ang mga dahilan kung bakit tinutugis nila ang sanggol.
Pinasok ng mga sundalo ang bahay nina Barangay Kagawad Junie Obiado, Vivencio Obiado, Aning Reponcion, Oking Mañoso, Itong Reponcion at Naroy Tursido. Suot ang mga putikang bota, inakyat ng mga sundalo ang ikalawang palapag at pinasok ang mga kwarto para pailawan ng flashlight ang silong ng mga kama.
Sinubukan ding buksan ng mga sundalo ang bahay ni Jennifer Reponcion kahit na walang tao rito. Tumigil lang sila nang sawayin ng mga kapitbahay.
Hinaras din ng tatlong sundalo ng 43rd IB si Joy Salajendo, tagapangulo ng Sangguniang Kabataan sa Caputoan, sa kanyang tinutuluyang bahay sa poblacion. Pinaghahanap sa kanya ang indibidwal na kumubra ng pera sa kanyang account sa isang mobile payment service na pinagbibintangan nilang “NPA.”
Mismong si Salajendo ay hindi alam kung sino ang tinutukoy ng mga sundalo. Pinagbantaan siyang kung hindi magsasabi ay isasama sa kampo militar.
Maging magulang ni Salajendo na sina Ningning at Ninoy ay pinuntahan ng 43rd IB sa kanilang bahay sa baryo para isailalim sa interogasyon. Sinabihan sila na kung hindi magtatapat ay hindi raw makakakuha ng trabaho si Joy at hindi makakaalis sa kanilang bahay sa bayan.
Ang pagtugis ay isa lamang sa mga kaso ng panggigipit at panggugulo ng mga sundalo.
Sa Barangay Paco, walang tigil ang kanilang panggigipit sa buong pamilya Yanay. Gabi ng Hunyo 9, pinuntahan ng mga sundalo sina Dadi at Seding Yanay, kapwa mahigit 70 anyos ang edad, para imbestigahan. Noong Hunyo 13, pinagbabaril ng 43rd IB ang kabataang magsasakang si Olid Yanay.
Matapos ang pamamaril, nagpatawag ng pulong ang 43rd IB sa mga residente ng dalawang barangay upang utusan silang lagyan ng bakod ang palibot ng kani-kanilang mga bahay. Ipinataw sa dalawang komunidad ang patakarang “one entrance, one exit” upang lalong higpitan ang kilos ng mga sibilyan.
Inobliga rin ng mga sundalo ang mga residente na sumuporta at tumulong sa operasyong militar dahil “marami pang NPA.” Sumbat sa kanila ng masa, “Kayo ngang may mga baril, hindi kinakaya, kami pa kaya.”
Ang patung-patong na mga krimen ng 43rd IB ay lubhang paglabag sa internasyunal na makataong batas.










