Nagbabala ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) laban sa nagbabadyang super El Niño sa gitna ng 2026 hanggang sa maagang bahagi ng 2027. Para sa mga magsasaka at mangingisda, nangangahulugan ito ng pagkawala ng ani, dagdag na pagtaas ng gastos sa produksyon, kakulangan sa tubig, at matinding kagutuman.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration, may 62% na tsansa ng El Niño sa Hunyo hanggang Agosto, na tataas tungong 82% sa pagtatapos ng taon. Inaasahang mararamdaman ang pinakamalalang epekto nito mula Oktubre hanggang Disyembre. Nasa 49 na lugar sa Visayas at Mindanao ang inaasahang makararanas ng mas mababa kaysa sa karaniwang ulan, pagtaas ng temperatura, at malubhang tagtuyot. Sa kabilang banda, mangangahulugan naman ito ng mas madalang, pero mas malalakas na bagyo ngayong taon.
Pinsala sa mangingisda at magsasaka
Sa panahon ng El Niño, mas bababa ang kita ng mga mangingisda dulot ng pagbawas ng isda sa dagat at pagkamatay ng mga bahura na nagsisilbing itlugan at kanlungan ng maliliit na isda. Tumataas ang posibilidad ng pagkamatay ng mga isda at red tide. Dahil sa sobrang init, mababawasan din ang oras sa pagpalaot ng mga mangingisda at nagiging mas bulnerable sila sa heatstroke.
Malaking problema ito sa seguridad sa pagkain dahil nasa 42.2% ng pinagkukunan ng protina ng mga Pilipino ay isda. Kasunod sa bigas, ikalawa ito sa pangunahing pagkain ng mamamayan. Kung hihina ang huli, tiyak ang pagtaas ng presyo ng isda sa palengke na dadagdag sa nagtataasan nang presyo ng bigas at iba pang pagkain.
Samantala sa mga taniman, ayon sa KMP, ipinakikita ng paulit-ulit na sakuna ng El Niño ang matagal nang pagpapabaya ng estado sa agrikultura: ang hindi sapat na irigasyon, kakulangan sa subsidyo sa produksyon, pag-asa sa pag-import ng pagkain, at kawalan ng tunay na reporma sa lupa.
Hinagpis ng mga magsasaka ng Bicol, Cagayan Valley at Panay
Matagal nang pinapasan ng mga magsasaka ang bigat ng sunud-sunod na kalamidad habang inutil at walang suporta ang estado sa kanilang mga pangangailangan. Higit pang nagpapabigat sa kanilang kalagayan ang mataas na presyo ng diesel at farm input tulad ng pataba dulot ng imperyalistang gera ng US at Israel sa Middle East. Sa badya ng Super El Niño, mas matinding pagdurusa ang inaasahan ng mga magsasaka.
Sa Bula, Camarines Sur, bukod sa hagupit ng kalikasan, labis na nagpapahirap sa mga magsasaka ang sumisirit na presyo ng mga gastusin sa pagtatanim. Sa isang ektaryang palayan ay nangangailangan ng 249 litro ng diesel para sa traktora at water pump na nagkakahalaga ng mahigit ₱21,000. Dagdag pa rito ang abono na nagkakahalaga ng halos ₱15,000 para sa Triple 14 at Urea. Sa kabuuan, umaabot sa lagpas ₱36,000 ang paunang puhunan sa krudo at pataba pa lamang—wala pa ang binhi, pestisidyo, at upa sa paggawa. Dahil dito, maraming magsasaka ang napipilitang tumigil sa pagtatanim upang maiwasan ang pagkalubog sa utang.
Dagdag pa rito, maraming magsasaka ang hindi pa rin nakaaahon o ngayon taon pa lamang nakababawi mula sa pinsalang dulot ng mga nakaraang kalamidad, kabilang ang ₱2.1 bilyong pagkalugi sa agrikultura at pangingisda sa Bicol noong 2024. May mga lupain na hindi pa rin natataniman dahil sa naipong putik at buhangin dulot ng ilang beses na pagputok ng bulkang Mayon.
Sa Cagayan Valley, nagdeklara noong Marso ang lokal na gubyerno ng Isabela ng state of calamity dulot ng matagal na tagtuyot. Sa Tuguegarao City, umabot sa 3,000 magsasaka ng mais ang naapektuhan ng kawalang ulan. Tinatayang nasa ₱2.3 bilyon halaga ng ani ang nasira o 80% ng mga pananim.
Umigting ang pagdurusa ng mga magsasaka dahil sa pagtaas ng presyo ng langis. Umabot na sa ₱110 -₱125 kada litro ang gastos ng mga magsasaka para sa patubig. Naging ₱2,500 na ang gastos para sa water pump mula sa ₱1,200 kada araw, habang nagtaas mula sa ₱1,600 ang kada sako ng pestisidyo tungo sa ₱1,900.
Nananatili ring barat ang sahod ng mga manggagawang-bukid. Nasa ₱300 kada araw ang sahod sa tubuhan, habang nasa ₱500 kada toneleda ang kita sa sistemang pakyawan. Ito ay para sa 11 oras ang trabaho para sa 10 tonelada kada araw na kota. Nasa ₱500 kada araw kada ektarya naman ang sahod ng mga manggagawang-bukid sa maisan at palay. Lakip sa halagang ito ang pagkain at pamasahe.
Sa Panay, nagdulot ng pagkatuyo ng mga sakahan at pagbaba ng lebel ng tubig sa Maasin Dam ang matinding tagtuyot. Umabot sa mahigit ₱200,000 ang inisyal na pagkalugi sa mga natuyong gulay, palay, at prutas. Naitala rin sa San Dionisio, Iloilo ang pagkamatay ng mga alagang hayop, na nagresulta sa pagkalugi na tinatayang mahigit ₱70,000.
Nanawagan ang mga magsasaka at mangingisda ng agarang aksyon mula sa pamahalaan, kabilang ang pagdeklara ng state of imminent disaster, pagbibigay ng subsidyo, crop insurance, sapat na kompensasyon, pagpapalawak ng irigasyon, pagtigil sa importasyon, at pagbasura sa Oil Deregulation Law.
Binigyang diin ng KMP na hangga’t nananatiling nakaasa sa importasyon ang agrikultura at walang tunay na reporma sa lupa at makabuluhang suporta sa lokal na produksyon, mananatiling bulnerable ang sektor sa mga sakunang dulot ng matitinding pagbabago sa klima.











