Nagtipon ang 30 kinatawan ng mga grupong Pilipino para sa mga manggagawang migrante, kabataang estudyante, guro, mamamahayag at taong simbahan sa pangunguna ng United Filipinos in Hong Kong, noong Oktubre 11 sa KUC Space sa Jordan. Binuo nila ang koalisyon na ‘Filipinos Against Corruption and Impunity Hong Kong (FilAction HK).
Ayon sa koalisyon, plano nilang makipag-ugnayan sa iba’t ibang organisasyon sa Hong Kong at mag-organisa ng malawakang talakayan at iba pang aktibidad upang ilantad at ipahayag ang kanilang pagkundena sa nangyayaring malawakang korapsyon kaugnay sa flood control at iba pang proyektong imprakstraktura sa Pilipinas.
Kabilang sa plano nilang ang kilos protesta sa Nobyembre 30, sa araw ni Bonifacio na sasabay sa pambansang kilos protesta sa Pilipinas, upang ipanawagan ang kagyat na pagpapanagot sa mga pulitiko, kontraktor at iba pang imbwelto sa malawakang korapsyon.
Ayon sa datos ng gubyerno ng Pilipinas, umaabot sa P118.5 bilyon ang napunta lamang sa huwad na mga flood control project mula taong 2023 hanggang 2025. Nalantad din ng Philippine Center for Investigative Journalism ang mga kwestyunableng mga proyekto, na karamihan ay mga ghost project” ay hindi naipatupad simula pa 2016 o noong panahon ng nakaraang rehimeng Duterte.
Nagpahayag ng disgusto at galit ang mga dumalo sa pagtitipon dahil sa mga datos ng lantarang korapsyon at ang kawalan ng pananagutan ng mga kurakot ng pondo ng bayan. Anila, dapat makulong lahat ng sangkot at isauli lahat ng mga ninakaw. Nanawagan din silang ilabas ang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth ng lahat ng mga pampublikong upisyal at maging kanilang bank account kung kinakailangan.
Panawagan din nila ang pagsasabatas ng Anti-Dynasty Law.











