Nagtipon ang mga kinatawan ng mga balangay at yunit ng Christians for National Liberation (CNL) sa isang hindi tinukoy na lugar noong ikalawang kwarto ng taon para idaos ang kanilang ika-10 kongreso. Dumalo dito ang mga obispo, relihiyoso at pastor, manggagawang layko at mga kinatawan ng kabataan mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa. Bago nito, itinatag ang balangay ng Compatriots-CNL noong Oktubre 2025.
Huling nagtipon ang Kongreso ng CNL noong 2022 sa Luzon, at noong 2017 sa Mindanao. Ang CNL ay isang lihim na organisasyon ng mga Kristyano sa Pilipinas na kaanib ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Itinatag ito noong Pebrero 17, 1972, sa araw ng ika-100 taong anibersaryo ng pagkamartir nina Padre Mariano Gomez, Jose Burgos at Jacinto Zamora (na kilala sa bansag na Gomburza).
Inilunsad ang ika-10 kongreso sa temang “Palakasin at palawakin ang ating hanay at ibayong isulong ang pambansa-demokratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektba; Palalimin ang ating integrasyon sa masa sa pagbabagsak sa burukrata-kapitalista at pasistang rehimeng US-Marcos.” Binuo ng kongreso ang bagong apat na taong plano at naghalal ng mga upisyal.
Malaking bahagi ng kongreso ang inilaan ng mga delegado sa pagtutukoy sa mga pamamaraan para tatlong ulit na palakihin ang buong kasapian ng CNL, na mahalagang bahagi ng binuong plano. Tinalakay at itinakda ng mga balangay at kanilang kinatawan ang mga target sa pagpapalawak.
Nagbahagi rin ang mga delegado ng mga posibleng kontak lagpas sa saklaw nilang mga rehiyon para maugnayan ng ibang mga kasapi ng CNL. Inilista nila kung sino ang maaaring maging kontak, maaaring sumuporta, maorganisa, at mapakilos para sa pambansa-demokratikong rebolusyon.
Ayon kay Renmin Malaya, ang nahalal na tagapangulo ng grupo, isang malaking tagumpay para sa CNL ang kongreso. Aniya, napapanahon ang pagtitipon sa konteksto ng kilusang pagwawasto ng buong rebolusyonaryong kilusan ng Pilipinas, at sa gitna ng umiigting na inter-imperyalistang girian at gera at ang lumalaking bitak sa pagitan ng mga lokal na naghaharing uri sa bansa.
“Tiyak na magiging malaki ang ambag ng CNL sa kasalukuyang pagsisikap na isulong ang rebolusyong Pilipino. Nasa yugto ito ngayon ng panibagong pagpapalakas, matapos dumaan sa panahon ng pag-atras at seryosong mga pinsala bunga ng panloob na mga kahinaan at pagkakamali,” pahayag ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas sa mensahe sa kongreso.
Dagdag pa ng Komite Sentral, “Katulad na gumampan ng malaking papel ang CNL noong unang yugto ng pagsulong ng demokratikong rebolusyong bayan sa maagang bahagi ng dekada 1970 at sa muling paglakas noong ikalawang dakilang kilusang pagwawasto, tinatanaw namin ang makabuluhang papel na gagampanan ng CNL sa pagsisikap na lahatang-panig na isulong ang mga rebolusyonaryong gawain sa iba’t ibang panig ng bansa.”
Napaabot rin ng mensahe ng pakikiisa at pagbati ang iba pang alyadong organisasyon ng CNL na bahagi ng NDFP. Nagpahayag rin ng galak sa pagsulong ng CNL si Coni Ledesma, myembro ng peace panel ng NDFP, na isa sa mga tagapagtatag at naunang myembro ng rebolusyonaryong gurpo ng mga Kristyano.
“Sana ay patuloy na sumulong ang CNL, salubungin ang paparami pang bagong myembro at matatag na patunayan kung ano ang tunay na Kristiyanismo—ang pagtindig at pakikipaglaban para sa karapatan ng mga inaapi at pinagsasamantalahan,” pahayag ni Ledesma.
Sa pagtatapos ng kongreso, binigyang parangal ng CNL ang mga martir at bayani ng rebolusyong Pilipino. “Inspirasyon natin sila. Hindi sila naging maramot sa buhay nila,” pahayag ni Phillip Rebson, bagong halal na pangkalahatang kalihim ng CNL.
Isinabuhay ng mga bayani at martir ng CNL ang kanilang pananampalataya hindi lamang sa loob ng Simbahan kundi maging sa mga komunidad ng mga mahihirap at api, at ang ilan sa mga larangang gerilya bilang mga Pulang mandirigma at kumander ng Bagong Hukbong Bayan. Partikular nilang pinarangalan si Ka Luis Jalandoni, isa sa mga nagtatag ng CNL, na namatay noong Hunyo 7, 2025.
Determinado ang mga delegado ng kongreso at mga myembro ng CNL na higit na sumulong at magpalawak. Nagtapos ang ika-10 kongreso sa panawagang: “Nang may kakagyatan, matapat nating isulong ang armadong pakikibaka. Ipahayag at patunayan ang katwiran ng rebolusyonaryong digmang bayan laban sa di-makatarungan at malupit na gera ng naghaharing uri. Suportahan at pakamahalin ang Bagong Hukbong Bayan, paunlarin at paigtingin ang armadong pakikibaka. Muli nating patibayin ang panatang palakasin ang suporta sa lahat ng mga larangan at isullong ang pambansang demokratikong rebolusyon na may sosyalistang pananaw.”
—may ulat mula sa Liberation, pahayagan ng National Democratic Front of the Philippines











