Naglunsad ng kilos-protesta ang mga kabataan at estudyante sa University of the Philippines (UP)-Diliman sa Quezon City noong Hulyo 26 para kundenahin ang economic security zone (ESZ) na itinatayo ng US sa New Clark City sa balangkas ng inisyatibang Pax Silica. Pinangunahan ng League of Filipino Students (LFS), alyadong organisasyon ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), ang pagkilos.
Bago nito, inilunasd ng LFS ang isang porum na nagtalakay sa patung-patong na mga problemang ihahatid ng Pax Silica sa mamamayang Pilipino. Inilatag sa porum paano ito yuyurak sa pambansang soberanya, dadambong sa likas na yaman, at pipinsala sa kalikasan, kalusugan, at karapatan ng mamamayan. Ayon pa sa grupo, ibayong hahatakin nito ang Pilipinas sa girian ng US at China, sa kapahamakan ng mga Pilipino.
Ang ESZ ay itinatayo sa 1,619-ektaryang lupa sa New Clark City sa Tarlac. Ituturing ito bilang “AI-native industrial acceleration hub” na eksklusibo para sa mga kumpanya ng US at sa mga iimbitahan nitong kaalyado. Itatayo sa sona ang “artificial intelligence hub”, mga data center at iba pang imprastruktura. Mangangailangan ng malaking bolyum ng “ultrapure water” ang mga data hub, at suplay ng kuryente na hindi bababa sa 5 gigawatts para sa buong security zone.
Pinasinayaan ang pagbubukas ng proyekto noong Mayo 18 kung saan dumating si US Undersecretary of State for Economic Affairs Jacob Helberg. Mayroon nang mahigit 20 malalaking kumpanyang Amerikano ang nagsabing mamumuhunan dito. Nitong Hulyo, inianunsyo ng rehimeng Marcos na magsisilbing “anchor investor” of pangunahing mamumuhunan sa proyekto ang Foxconn, isang kumpanya sa pagmamanupaktura na nakabase sa Taiwan.
Kabi-kabila na ang pakana ng rehimeng Marcos, Department of National Defense at ng Bases Conversion and Development Authority, na nangangasiwa sa New Clark City, para ipagtanggol ang proyekto. Kasunod ito ng malawakang pagkakalantad ng kabuktutan ng proyekto sa pamamagitan ng social media.
Ayon kay Gabriel Magtibay, pambansang tagapangulo ng LFS, hindi dapat malinlang ang kabataan at taumbayan sa palabas na lilikhaing trabaho at kaunlarang pangako ng ESZ at ng Pax Silica. “Kailangang maipakita na ang kalagayan ng mga Pilipinas sa Pax Silica ay yung sisiraing mga kalupaan na kukunin ng US, yung tubig na lalasunin niya dahil sa mga data centers na ‘yan,” ayon kay Magtibay.
Anang LFS, magpapatuloy ang kanilang mga protesta kontra Pax Silica at isa ito sa mga isyung itatampok nila sa ilulunsad na demonstrasyong SONA ng Bayan sa Hulyo 27, kasabay ng ikalimang state of the nation address ni Ferdinand Marcos Jr. “Kinakailangan natin bilang kabataan na makibaka para sa tunay na kalayaan at demokrasya,” pahyaag ni Magtibay.











