Daan-daang myembro ng organisasyong nagatataguyod ng karapatang-tao, mga grupo ng migrante at progresibo ang nagsama-sama para kundenahin ang pagbisita ni Ferdinand Marcos Jr sa Canada noong Hulyo 1-4.
Nagpuntang Canada si Marcos Jr para sa apat na araw na pulong kasama si Canadian Prime Minister Mark Carney at iba’t ibang negosyante. Adyenda nila ang pagpapalawak ng kooperasyong militar sa ilalim ng Canada Status of Visiting Forces Agreement, pamumuhunan sa pagmimina ng ginto at kritikal na mineral sa bansa at pagbebenta sa murang lakas paggawa ng mga Pilipino.
Noong Hulyo 1, sabay-sabay na nagprotesta ang ang mga progresibong grupo sa Vancouver Art Gallery in Vancouver, British Columbia; sa Ottawa Sign sa Byward Market, Ottawa; sa konsulado ng Pilipinas sa Calgary, Alberta; at sa 160 Eglinton Ave, Toronto, Ontario.
Nong Hulyo 2, sinalubong ng protesta ang pagpunta ni Marcos Jr at ni Carney sa isang restawran ng Jollibee sa Granville, Vancouver. Kinundena ng mga grupo ang kawalan ng trabaho sa Pilipinas na nagtutulak sa mga Pilipino na mangibang bansa. Dagdag dito, kinundena din ng grupo ang napakababa na pasahod ng Jollibee sa mga manggagawa nito.
Noong Hulyo 3, nagprotesta ang mga grupo sa konsulado ng Pilipinas sa Toronto. Kasabay nito,nakipagpulong si Marcos Jr sa kumpanya sa mina na B2Gold Corporation, na talamak sa paglabag sa karapatang-tao sa Pilipinas. Ang B2Gold ang may-ari sa 40% ng Filminera Resources Corporation, kumpanyang may pinakamalaking operasyong pagmimina ng ginto sa bansa at kasalukuyang nag-oopereyt sa mga bayan ng Milagros, Uson at Mobo sa Masbate. Pagmamay-ari din ng B2Gold ang Philippine Gold Processing & Refining Corporation na nagpuproseso ng gold ore (batong may ginto).
Noong Hulyo 4, nagprotesta ang mga grupo sa Vancouver Art Gallery. Nanawagan ang mga grupo sa mga kapwa Pilipino at alyado na lumahok sa protesta sa Hulyo 26 kasabay ng State of the Nation Address ni Marcos Jr sa Hulyo 27 sa Pilipinas. Maliban sa mga itinakdang lugar ng protesta, sinasalubong ng protesta si Marcos Jr saanman siya nagtutungo sa Canada.
Tinawag ng Canada-Philippines Solidarity for Human Rights (CPSHR)-Vancouver ang pagsalubong ni Carney kay Marcos Jr bilang nakakahiya at malinaw na nagpapakita ng pagiging ipokrito ng gubyerno ng Canada.
“Ginagamit ng gubyerno ng Canada ang lenggwahe ng depensa, seguridad, at karapatang-tao, habang pinalalalim nito ang kanyang ugnayang militar, pulitikal, at pang-ekonomya sa isang gubyernong talamak sa paglabag sa karapatang-tao at walang humpay na korapsyon,” paliwanag ni Devon ng CPSHR-Vancouver.
Ayon sa Friends of Filipino People in Struggle- Dahlia, upang makuha ang pinakamalaking tubo mula sa Pilipinas, nais ni Carney na matiyak na madudurog ang paglaban ng mamamayan sa Pilipinas laban sa imperyalistang pagsasamantala. Pinalalala ng mga imperyalista ang hidwaang militar laban sa kanilang katunggali na bansang China, habang sinisikap nilang gawing mas marahas ang rehimeng Marcos.
Anito, aa ilalim ng “Status of Visiting Forces Agreement” (SOVFA), ipinapadala ng gubyernong Carney ang mga sundalong Canadian sa Pilipinas para maging katuwang ng US sa pang-uupat ng gera. Sa paglagda sa “Statement of Intent on Strengthening Defence Cooperation” at “Mutual Logistics Support Arrangement,” itinatayo ng dalawang gubyerno ang pundasyon ng isang malalim na magkakaugnay na sistema ng pagbabantay at panunupil upang protektahan ang kanilang tubo anuman ang kapalit.
Ayon sa Migrante Canada, sa loob ng maraming dekada, umaasa ang gubyerno ng Pilipinas sa padala ng migranteg Pilipino para saluhin ang humihinang ekonomiya nito. Tinatayang nasa 500,000 Pilipinong nakatira sa Canada ang regular na nagpapadala ng pera sa kanilang mga pamilya. Batay sa pinakahuling datos, sa unang sampung buwan ng 2025, umabot sa US$29.2 bilyon ang remitans sa Pilipinas mula sa mga Pilipinong nasa ibang bansa, kabilang ang Canada. Mahigit US$1 bilyon o 3.5% ng mga padala mula sa panahong iyon ay nagmula sa Canada.
Ngunit sa kabila nito, nahaharap ang mga migrante sa Canada sa pabago-bagong batas sa imigrasyon, mataas na gastos sa pamumuhay, pagsasamantala, trafficking, at pagkakahiwalay sa pamilya. Lalo pa itong pinapabigat ng mabagal at masalimuot na proseso ng paghingi ng tulong sa gubyerno hinggil sa kanilang sitwasyon.
Nanawagan ang mga grupo sa administrasyong Marcos Jr na protektahan ang karapatan at kapakanan ng mga Pilipinong nasa ibang bansa; at lumikha ng disenteng mga trabahong sa Pilipinas, upang hindi napipilitang mangibang-bansa ang mga Pilipino para mabuhay.











