PRWC » Kundenahin ang marahas na rekrutment at pagsasanay sa CAFGU

Mariing kinukundena ng Eduardo Dagli Command-NPA-Batangas ang kamakailang pandarahas ng isang sundalong instruktor sa mga pinagsasanay bilang CAFGU Active Auxillary. Dahil sa pananakit, nagtamo ng sugat sa tagiliran ang isang trainee. Matapos idulog ang insidente sa DZRH, hindi isinama sa kanilang graduation nitong Hunyo 24, 2026 sa Camp Capinpin, Tanay, Rizal ang 12 sa 200 CAFFGU Active Auxiliary trainee.

Hindi na bago, at sa katunayan, kultura ang impunidad at abuso sa loob ng AFP at sa paramilitar nitong CAFGU. Ang pagiging mersenaryo ng AFP, o pagiging bayarang protektor ng mga mapangwasak na negosyo, kurakot na politiko, at mga among dayuhan, ay lumilikha ng mga sundalong bulok ang prinsipyo at mapurol ang kalinga sa kapwa militar. Tagapagtaguyod ng kulturang pasista at macho-pyudal, talamak at walang napapanagot sa mga kaso ng pisikal, mental, at sekswal na abuso sa AFP at mga programa nito gaya ng ROTC. Upang isakatuparan ang kanilang pagiging mersenaryo, trabaho nila ang malawakan at sistematikong paglabag sa mga karapatang pantao.

Walang pananagutan at naghuhugas-kamay ang AFP sa tagapagsalita ng 2nd ID na si Col. Michael Aquino sa pag-antala sa graduation ng 12 trainee. Malinaw ang takot ng mga trainee at ang pag-antala ay pagkukumahog pagtakpan ang kanilang krimen. Ang pagturing sa kaso at lehitimong reklamo bilang ‘infraction’ ay pagturing dito bilang pabigat mula sa arawang abuso sa loob ng AFP.

Kaakibat ng tradisyong mersenaryo ng AFP, maramihan din ang kaso ng tiwaling sapilitang pagrerekluta. Saksi ang mga mamamayan ng Batangas sa mga ganito gaya noong 2023 sa kanlurang Batangas at noong 2025 naman sa silangang bahagi ng probinsya. Tila suhol ang pangakong 10,000 piso at isang sakong bigas na ang kapalit ay pagpapasailalim sa pahirap na pagsasanay, pagiging tila asong utusan ng mga sundalo, at pagpain sa kanila sa mga operasyong militar. Dagdag ito, siyempre, sa pagsasanay ng CAFGU bilang katuwang na mersenaryo na pumoprotekta sa mga mapangwasak na proyekto sa lalawigan.

Kabaliktaran ito ng ipinatutupad ng New People’s Army. Dahil prinsipyado ang ipinaglalaban nito, ang baril ay nakatutok hindi sa kasama at masa, kundi sa mga abusado at nagsasamantala. Hindi abusado ang pagsasanay sa NPA dahil ang prinsipyo ay edukasyon at paghimok. Isinasaalang-alang ng NPA ang mga partikular na pangangailangan ng mga kasama. Minamaksimisa pa ang potensyal ng bawat NPA upang paglingkuran ang sambayanan. Dahil dito, protektado ang karapatan sa loob ng NPA, habang pinangangalagaan ang interes ng masa sa pagtalima ng NPA sa Tres-Otso o Tatlong Pangunahing Alituntunin sa Disiplina at Walong Bagay na Dapat Tandaan.

Nananawagan ang Eduardo Dagli Command sa mga biktima ng pandarahas at abuso ng AFP na isumbong ang mga ito sa gobyernong bayan o sa pinakamalapit na unit ng NPA. Walang maaasahan sa kawalan ng hustisya sa reaksyunaryong gobyerno na paulit-ulit nang pinalulusot ang krimen ng mga sundalo. Hinihikayat din ng EDC na patuloy na magsalita at kumilos ang batchmates ng 12 bilang pagtatanggol sa kanilang karapatan. Dapat na ilantad at labanan ang kabulukan ng AFP!

Nananawagan din ang EDC sa mga inirerekluta sa AFP-PNP-CAFGU, lalo na sa hanay ng kabataan, na kung nais nilang pagsilbihan ang kapwa nila, ay bukas na bukas at hinihikayat ang pagsapi sa NPA bilang tunay na sundalo ng mga api. Ito ang hukbong tumutugon sa lehitimong pangangailangan ng masa, lalo na ng mga magsasaka. Kasabay ng pagsusulong ng rebolusyong agraryo at pagpapalawak ng baseng masa, inilulunsad ang armadong pakikibaka upang depensahan ang mga inaapi at palawakin ang kapangyarihang pampulitika ng mga anakpawis.

Kundenahin ang abusadong AFP!
Itigil ang sapilitang pagrerekluta sa CAFGU!
Paglingkuran ang sambayanan, sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!

Source link