Ang Bayan Ngayon » Mga martir ng Toboso, pinarangalan ng pambansa-demokratikong kilusan

Daan-daang kapamilya, kasama, kaibigan, at mga bisita ang nagsama-sama sa University of the Philippines-Diliman Theater sa Quezon City noong nakaraang linggo, Mayo 11, para bigyang parangal ang mga martir ng Toboso. Binigyang-pugay nila ang Negros 19 na binubuo ng siyam na hindi armadong mga indibidwal at 10 mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) na minasaker ng 79th IB noong Abril 19 sa Barangay Salamanca, Toboso, Negros Occidental.

Ang mga nasawi ay sina R.J. Nichole Ledesma, mamamahayag ng Altermidya; Alyssa Alano, lider estudyante ng UP Diliman University Student Council (USC); Maureen Keil Santuyo, myembro ng National Network of Agrarian Reform Advocates-Youth; Errol Wendel, organisador ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura; Lyle Prijoles, Pilipino-Amerikanong lider ng International Coalition for Human Rights in the Philippines; Kai Sorem, Pilipino-Amerikanong oranisador ng Anakbayan sa US; Roel Sabillo, kabataang magsasaka; at dalawang menor-de-edad (15 at 17 taong gulang) mula sa Toboso at Calatrava.

Kabilang sa namartir ang iskwad ng sampung Pulang mandirigma ng BHB-Northern Negros (Roselyn Jean Pelle Command) na sina: Roger Fabillar (Ka Tapang), na nagsilbing kumander ng BHB-Northern Negros; Maria Clarita Branzuel Blanco (Ka Sanim/Pat), instruktor sa pulitika; Rene Villarin Sr (Ka During), iskwad lider; Genevieve Balora (Ka Raia), kadre ng Partido sa distrito; Pedro Bonghanoy (Ka Regen), upisyal sa medikal; Sonny Boy Caramihan (Ka Nikki); Arnel Javoc (Ka JR); Joros Caramihan (Ka Bunso); Labskie Purisimia Enustacion (Ka Judy); at Jocel Gimang (Ka John Paul).

Ang programa ng pagpaparangal na pinamagatang “To Live In Negros Is To Also Know Death*, Negros 19: Panaghoy at Paghihimagsik” ay pinangunahan ng UP Diliman USC, Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at Karapatan. Ayon sa mga organisador, inilunsad ang pagtitipon para magkakasamang kilalanin ang tapang, talino, at pagmamahal na inalay sa bayan ng buong Negros 19.

Mahigit dalawang oras ang itinagal ng parangal na napuno ng mga talumpati, testimonya, bidyo, at mga pagtatanghal ng rebolusyonaryong awitin, tula at sayaw. Itinampok ng mga ito ang buhay ng paglilingkod sa masa ng Negros 19 at ang hindi nagagaping paglaban ng masang Negrosanon sa gitna ng nagpapatuloy na kahirapan, pagsasamantala, at militarisasyon sa isla ng Negros.

Dumalo at nagbigay ng mga mensahe sa parangal ang mga kaanak at kaibigan nina Alano, Ledesma, Santuyo, Errol Wendel, Prijoles at Sorem. Napuno ng mga kwento ng buhay, biro at katuwaan, militansya at nag-aalab na apoy ng pakikibaka ang mga mensahe nila.

Sa mensahe ng ina ni Alano na si Shiela, inihayag niya na sa pagkawala ng anak ay naglaho ang kanyang mga pangarap para sa sarili, sa pamilya at higit sa lahat para sa mga maralitang pinagkaitan ng hirap ng buhay. “Sana ang mga naglahong pangarap niya para sa bayan, tayo ang magtutuloy. Huwag nating hayaan na mabura siya sa mundong ito at hindi nasayang ang buhay nila,” paghimok niya sa publiko. “Ako’y nananawagan, na ituloy natin ang laban na nasimulan nila. Dahil alam nating lahat, iyon ang gusto nila, pagbabago ng sistema, matulungan ang mga maralita ng Negros.”

Nagbigay ng mensahe ang Bayan sa pamamgitan ng tagapangulo nitong si Teddy Casiño. “Sa Negros nagtagpo ang kanilang mga landas, sa isang islang batbat ng kahirapan, kontradiksyon at sigalot, pero punung-puno ng pag-asa. Pag-asang pinapayabong ng walang-humpay na pakikibaka ng masa para baguhin nag kanilang abang kalagayan,” ayon kay Casiño. “Hindi mga kriminal at terorista ang Negros 19. Hinding-hindi! Sila’y mga bayani—mga bayani ng sambayanan! Minamahal at pinaparangalan natin ang Negros 19.”

Bilang kinatawan ng mga kabataan, nagtalumpati sa programa ang tagapangulo ng League of Filino Students na si Gabriel Magtibay. “Dapat nating tularan ang Negros 19. Tiyak ang ating tagumpay sa sama-samang pagkilos hangga’t hindi natin binibitawan ang pangarap para sa isang mundong walang pananamantala. Kaya wala tayong dapat ikatakot!” aniya.

Hamon niya sa kapwa kabataan, “Hindi na sapat na alam natin ang tama—na nasa wastong panig tayo ng kasaysayan—tayo mismo ang lilikha ng kasaysayan!” Dagdag pa niya, “Panata ng kabataang palalakasin ang rebolusyonaryong daluyong ng kabataang lumalaban. Panata naming huwag lang mamanahin ang nakagisnan, pero magwawasto, susulong at papandayin ang militansya, para baguhin ang ikot ng mundo, itaas ang yugto ng ating lipunan, isulong ang pambansa-demokratikong rebolusyon hanggang sa sosyalismo.”

Nagpaabot naman ng isang mensaheng parangal si Marco Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng Partido Komunista ng Pilipinas. “Ikinararangal ng Partido at ng Bagong Hukbong Bayan na ang mahaba o maiksing panahon, ay nakaulayaw ang mga martir at bayani ng Toboso sa landas ng pambansa-demokratikong rebolusyon. Panata naming bigyan ng katarungan ang kanilang kamatayan,” aniya.

“Mula sa lupang diniligan ng kanilang dugo, libu-libo pang mga anak ng bayan ang uusbong, magbabangon, maghihimagsik at babagtas sa mahaba at liku-likong daan ng digmang bayan patungo sa mapulang araw ng tagumpay,” ayon pa kay Valbuena. Nagtapos ang pagtitipon sa pag-awit sa Internasyunale.

___
*Ang “To Live In Negros Is To Also Know Death” ay isang panipi mula sa sulatin ni RJ Ledesma na pinamagatang “The Last Masskara.”

Source link