Mariing kinundena ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) USA at Malaya Movement USA ang pagdalo ng NTF-Elcac at iba pang kinatawan ng rehimeng US-Marcos sa ika-4 na United Nations Counter Terrorism Week (UNCTW) sa New York City.
Noong Hunyo 28, nagprotesta sa harap United Nations ang mga progresibong grupo upang ilantad ang mga kasinungalingan ng NTF-Elcac. Bago nito, mapayapang kinausap ng mga grupo sila Rodolfo Asel Tor ng National Intelligence Coordinating Agency at si Bernardo Florece Jr, undersecretary ng Anti-terrorism Council. Sa halip na harapin at sagutin ang kanilang panawagan hinggil sa Negros 19 ay sinabihan sila ni Tor ng “kumalma lang”.
Agad-agad na tumakbo ang mga delegado papunta sa kanilang mga sasakyan sa SUV at mabilis na nagmaneho papalayo sa mga nagprotesta. Hinabol ng ilang myembro ng grupo ang SUV nang ilang bloke habang ginigiit nilang dapat managot ang ahensya sa laganap na pamamaslang at terror tagging sa Pilipinas.
Sa loob ng konsulado, mapanlinlang na inimbitahan ng NTF-ELCAC ang mga Pilipino sa isang “town hall meeting” o pagpupulong. Dito ay naglunsad sila ng presentasyon hinggil sa sa terror grooming at Red tagging sa mga progresibong grupo. Bahagi ng presentasyon ang pagbibigay katwiran sa pamamaslang ng estado. Ayon sa mga dumalo sa pulong, hindi sana na sila dumalo kung alam nila ang paksa ng forum. Samantala, pinagbawalang pumasok sa town hall ang mga aktibista.
Ayon sa Malaya Movement, sa kabila ng matinding krisis sa ekonomya sa Pilipinas, nagawa pa ng mga delegado na magwaldas sa pera ng bayan para dumalo sa UNCTW.











