Nagprotesta ang mga myembro ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), Kilusang Mayo Uno (KMU), League of Filipino Students (LFS) at ibang pambansa-demokratikong organisasyon noong Mayo 8 sa harap ng Camp Aguinaldo kasabay ng upisyal na pagtatapos ng Balikatan 2026. Kinundena nila ang 19-araw na Balikatan, kung saan naglunsad ang US ng mga opensibong maniobra tulad ng pagpapaputok ng mga misayl gamit ang sibilyang mga pasilidad.
Ayon sa Bayan, malinaw na ipinakita ng Balikatan na ito ang paggamit ng US sa Pilipinas bilang “forward base” sa inihahanda nitong imperyalistang gera sa Asia. Binatikos din nito ang kalihim sa depensa na si Gilbert Teodoro sa pagbabalewala niya sa pangamba ng publiko sa pagpapalipad ng isang live missile sa ibabaw ng mga sibilyang komunidad.
Gayundin, ang pagpapaputok ng misayl ng Japan sa direksyon ng South China at ang pag-eensanyo para magpalubog ng “kaaway na barko” ay mga probokatibong maniobra na nagsasapanganib sa buhay at kabuhayan ng mga mangingisdang Pilipino, ayon sa mga raliyista. Gulo at peligro ang dala ng Balikatan at hindi “kapayapaan” tulad ng ipinipilit ng US at tuta nitong rehimeng Marcos, anila.
“Ang Balikatan ay… naghuhudyat ng normalisasyon ng mga dayuhang missile sa ating bansa,” ayon sa LFS. Tumatanggi ang kabataan, na maging pambala ng kanyon para ipagtanggol ang imperyalistang mga interes ng US, ayon sa grupo.
Binatikos din ng mga raliyista ang pagwaldas ni Ferdinand Marcos Jr at AFP ng pondo ng bayan para sa malakihang war games sa gitna ng matinding paghihirap ng mga Pilipino.
“Napakatindi ng kahirapan at kagutuman sa ating bansa. Tumaas ng 5.1% ang mga Pilipinong nawalan ng trabaho habang patuloy na umaakyat ang presyo ng bilihin at langis,” pahayag ni Jerome Adonis ng KMU. Mas mainam na ilaan ang pondo sa pagkontrol ng presyo ng langis at dagdag-sahod kaysa sa war games, anito.











