Ang Bayan Ngayon » 6 na taon ng Anti-Terrorism Act, sinalubong ng protesta

Sinalubong ng mga kilos-protesta ng mga pambansa-demokratikong organisasyon sa Pilipinas at ibayong-dagat ang ika-anim na taon ng pasistang Anti-Terrorism Act (ATA) noong Hulyo 3. Sa ilalim ng rehimeng US-Marcos, sumahol pa ang paggamit sa naturang batas at sa kakambal nitong Terrorism Financing Prevention and Suppression Act (TFPSA) para supilin ang lehitimong paglaban ng mamamayan. Bitbit ang panawagang ibasura ang tinaguriang “twin terror laws,” naglunsad ng rali ang mga progresibong grupo sa harap ng Department of Justice (DOJ) sa Maynila.

Sa pinakahuling ulat ng Karapatan, hindi bababa sa 256 na aktibista, lider-masa, at ordinaryong mamamayan ang naging biktima ng kambal na batas “kontra-terorismo.” Ang 222 sa kanila ay sinampahan ng mga gawa-gawang kaso. Ang 138 sa mga ito ay ibinasura na ng mga korte dahil sa kawalan ng sapat na ebidensya at batayan sa konstitusyon. Patunay umano ito na “pampulitikang pang-uusig” lamang ang mga kaso, ayon sa Karapatan.

Sa kasalukuyan, 25 sa kinasuhan ang nananatiling nakapiit. Kabilang sa kanila ang mamamahayag na si Frenchie Mae Cumpio, mga manggagawang pangkaunlaran na sina Marielle Domequil at Emilio Gabales, at ang church worker na si Aldeem Yañez.

Mula nang isabatas ang ATA, 37 na indibidwal ang arbitraryong idineklara ng pasistang Anti-Terrorism Council (ATC) bilang mga “terorista.” Kabilang dito ang mga katutubong lider ng Cordillera People’s Alliance (CPA) na sina Windel Bolinget, Sarah Alikes, Jennifer Awingan, at Steve Tauli. Dalawa sa mga idineklara—sina Norman Ortiz at Lee Sudario—ay biktima ng sapilitang pagkawala sa kamay ng militar. Ang ilan ay mga konsultant sa kapayapaan ng National Democratic Front of the Philippines.

Noong 2025, ginamit din ang TFPSA upang sampahan ng gawa-gawang kaso ang anim na aktibista sa Cagayan Valley (Cagayan Valley 6) at mga kawani ng non-government organization sa Negros tulad ng Paghidaet sa Kauswagan Development Group (PDG) Inc.

“Sa loob ng maraming taon, ang Anti-Terrorism Act at ang Terrorism Financing Prevention and Suppression Act ay nagsilbing mga ligal na sandata para sa hindi makatarungang pag-aresto, matagal na pagkabilanggo, pag-freeze ng mga bank account, at iba pang anyo ng pampulitikang panunupil, na nagbabanta sa mga batayang karapatan at kalayaan ng mamamayan,” pahayag ni Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng Karapatan.

Walang pinag-iba, aniya, ang rehimeng US-Marcos sa sinundan nitong mga rehimen sa paggamit ng pasismo upang pagtakpan ang krisis sa lipunan.

“Patuloy na ginagamit bilang sandata ng administrasyong Marcos Jr ang mga batas na ito upang patahimikin ang mga kritiko at supilin ang lehitimong pampulitikang pagtutol,” aniya. “Sa halip na tugunan ang ugat ng panlipunang krisis, pinili ng gubyerno na palawakin ang makinarya ng panunupil sa pamamagitan ng mga batas na nagpaparusa sa mga nag-oorganisa, nagsasalita, at nagtatanggol sa karapatan ng mamamayan.”

Ayon naman sa pahayag ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), ang huwad na doktrina ng United Nations at ng imperyalismong US sa “gera laban sa terorismo” ang nagbibigay-katwiran sa magkakasunod na reaksyunaryong rehimen sa Pilipinas na supilin ang demokrasya.

“Habang nananawagan tayo sa pagbasura ng mga batas sa teror at kinukundena ang mga kalupitang ginawa ng mga rehimeng US-Duterte at US-Marcos, pinapanagot din natin ang mga pandaigdigang institusyon tulad ng United Nations dahil ang Global Counter-Terrorism Strategy nito ay naging playbook ng mga awtoritaryang lider sa pagbibigay-katwiran sa kanilang mga brutal at anti-demokratikong patakaran,” anang Bayan.

Samantala, sa New York, US, hinarap ng militanteng protesta ng mga Fil-Am na aktibista sa pangunguna ng Bayan-USA, Malaya Movement USA, at ICHRP-US ang delegasyon ng rehimeng Marcos na kinabibilangan ng mga kinatawan ng National Task Force-Elcac at ATC. Dumalo ang mga upisyal ng estado sa Fourth United Nations Counter-Terrorism Week (Hunyo 26-Hulyo 2) upang ipagmalaki ang kanilang madugong rekord.

Source link