Sinalubong ng mga protesta ang pagbisita ni Ferdinand Marcos Jr sa Japan noong Mayo 26−28. Layon ng 4-araw na upisyal na pagbisita ang pagpapalakas ng mga kasunduang militar na Reciprocal Access Agreement at Acquisition and Cross-Servicing Agreement, pagbili ng mga pinaglumaang armas at barkong pandigma, at pagbenta ng murang lakas paggawa ng mga Pilipino.
Sa Japan, nagsagawa ng mga protesta, porum, at photo exhibit ang mga grupong Pilipino at Japanese para kundenahin ang lumalawak na ugnayang militar at pagbebenta ng armas sa Pilipinas. Pinangunahan ang mga aktibidad ng Bagong Alyansang Makabayan-Japan, Network Against Arms Trade, at Japan Campaign for Human Rights in the Philippines. Anila, ang pagbebenta ng mga armas sa Pilipinas ay sumusuhay sa malawakang paglabag ng rehimeng Marcos sa karapatang-tao.
Planong bilhin ng rehimen ang mga pinaglumaang barko (Abukuma-class) ng Japan, Type 88 missiles, at iba pang kagamitang militar. Para pondohan ito, mangungutang si Marcos ng ¥64.38 bilyon ($413 milyon) mula sa Japan sa ilalim ng Official Development Assistance.
Sa Pilipinas, nagprotesta ang mga progresibong grupo malapit sa embahada ng Japan noong Mayo 26 upang manawagan ng hustisya para sa mga biktima ng pananakop ng Japan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, partikular ang mga krimen laban sa mga inaliping comfort women. Anila, ang pagpayag ng rehimeng Marcos na muling umapak sa lupain ng Pilipinas ang mga sundalong Japanese ay patunay sa pagiging sunud-sunuran nito sa pakanang gera ng US sa Asia.
Kasabay ng usaping militar, ipinagmalaki ni Marcos ang pangakong ₱56.3 bilyong pamumuhunan mula sa apat na kumpanyang Japanese na inaasahang lilikha ng 10,000 trabaho. Gayunpaman, ayon sa Pagkakaisa ng mga Manggagawa sa Timog Katagalugan, hindi kailanman nagdulot ng kaunlaran ang pamumuhunang Japanese. Nakatuon ang mga operasyong ito sa Pilipinas sa prosesong labor-intensive o masinsin ang gamit na lakas-paggawa. Nananatiling mababa ang sahod at limitado ang benepisyo ng mga manggagawa, habang ang kita ay inililipat pabalik sa Japan.











