Nagtungo sa harap ng Department of Justice sa Maynila noong Hunyo 22 ang iba’t ibang organisasyon upang ipanawagan ang pagpapalaya kina Dr. Anna Marie Rilloraza at Marc Mendiola. Kinakatawan ng naturang mga grupo ang mga doktor, nars, manggagawang pangkalusugan, estudyante ng agham pangkalusugan, mga katutubo, at mga tagapagtanggol ng karapatang-tao.
Kasalukuyang nakakulong sa Ilocos Sur si Dr. Rilloraza, isang doktor sa komunidad at tagapagtanggol ng kalikasan, at si Mendiola, isang manggagawang pangkalusugan, sa Tarlac City. Sinampahan sila ng mga kasong kriminal na illegal possession of explosives and firearms, pagpatay, attempted homicide at paglabag sa International Humanitarian Law.
Kabilang ang dalawa sa walong indibidwal na inaresto noong Marso 11, 2026 sa Tarlac City. Ang walo, na pawang mga organisador at tagapagtaguyod ng karapatan ng mamamayan sa Cordillera, ay binansagang Cordillera 8.
Ayon sa mga raliyista, liban sa kanilang iligal na pagkakakulong, nahihirapan pa silang makakuha ng wastong serbisyong medikal.
“Si Marc ay may medikal na kundisyon na nangangailangan ng pacemaker at kailangan nang matingnan ng doktor,” paliwanag ni Robert Mendoza ng Alliance of Health Workers.
Ayon kay Kim Falyao ng BAI Indigenous Women’s Network, napakasalat ng serbisyong medikal lalo na sa mga katutubo sa Cordillera pero kinakasuhan pa ng gubyerno ang mga nagseserbisyo sa malalayong komunidad.
Panawagan ng mga raliyista ang agarang pagpapalaya sa dalawa at iba pa nilang kasamahan. Nananawagan din sila sa mga manggagawang pangkalusugan at prupesyunal na lumahok sa kampanyang “Free Doc Ana at Free Marc!”










