Nagprotesta sa harap ng Parañaque National Highschool (PNHS)-Main noong Hunyo 22 ang mga kabataang-estudyante, alumni, guro, at magulang upang kundenahin ang mga insidente ng sexual harassment na kinasasangkutan ng isang guro sa mga estudyante nito sa natuarang paaralan. Kabilang sa lumahok sa protesta ang Kabataan Partylist Parañaque at Tapang Parañaque.
Ayon sa KPL-Parañaque, nakababahala ang mga ulat na nagsasabing matagal nang nangyayari ang mga insidentent ito ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring malinaw at sapat na aksyon mula sa mga administrasyon ng paaralan.
“Hindi kailanman katanggap-tanggap ang anumang uri ng pang-aabuso, harassment, pananakot, o paggamit ng kapangyarihan laban sa mga estudyante. May pananagutan ang mga institusyon na tiyakin ang proteksyon ng kanilang mga mag-aaral at agarang tugunan ang mga hinaing may kinalaman sa kanilang kapakanan,” paliwanag ng grupo.
Kasabay ng protesta, nakapaglunsad ng dayalogo ang mga estudyante at alumni kay Gerry Lumaban, principal ng eskwelahan, para ipahayag ang hinaing ng mga mag-aaral hinggil sa nangyaring sexual harassment sa paaralan. Nairehistro rin ang kanilang hinaing hinggil sa kakulangan ng mga upuan, pasilidad, at iba pang suliraning matagal nang nararanasan ng mga estudyante sa loob ng paaralan.
Naglunsad din ng petisyon ang mga estudyante at mga grupo para sa Department of Education, pamahalaang lokal at pamunuan ng PNHS-Main na maglunsad ng malalim at transparent (bukas sa publiko) na imbestigasyon at protektahan ang mga mag-aaral.











