Magarbo at engrande ang pagdiriwang ng ika-128 anibersaryo ng kalayaan ng Pilipinas ngunit hindi matatabunan ng makulay na seremonya ang katotohanang isinisigaw ng nagpupuyos sa galit ng masang Mindoreño—”Hunyo a-12, Huwad na Kalayaan! Sa pag-alingasaw ng pilit ikinukubling kabulukan ng mga payasong burukrata na sumasayaw sa kumpas ng imperyalismong US, nalalantad ang kawalan ng tunay na kalayaan sa malakolonyal na Pilipinas. Mistulang palamuti na lamang ang palabas ng mga grupong mula sa iba’t ibang probinsya na ipinamalas ng buong galing ang kulturang Pilipino. Isang malaking ‘puppet show’ ang pagdiriwang ng anibersaryo ng kalayaan habang nakakubabaw ang kapangyarihan ng US sa ekonomiya, pulitika, kultura, relasyong panlabas at patakarang militar ng bansa. Isang malaking sirkus ang kongreso at iba pang sangay ng gobyerno at lalo na ang Malacanang na luklukan ng punong papet.
Ang tumitinding ribalan ng mga burukrata kapitalista bilang pagsasalba nila sa sarili at makuha ang basbas ng Imperyalistang US
Nakatutok ang mga Mindoreño at ang sambayanan sa magulo at tumitinding ribalan ng paksyon ng mga naghaharing uring burukrata kapitalista. Ang lantad na sigalot sa senado ay silip lamang ng mas malaking larawan ng agawan sa kapangyarihan ng mga Marcos at Duterte. Tumatalas ang banggaan. Mula sa pag-apruba ng impeachment trial ng tiwaling si VP Sara Duterte sa mababang kapulungan, nailipat ito sa senado, paglitaw at muling paglubog ni Sen. Bato Dela Rosa upang iluklok sa liderato ang kaalyadong si Sen. Cayetano para idiskaril ang nasabing paglilitis. Ngunit wala pang isang buwan matapos mailuklok bilang presidente ng Senado, muling nagkaroon ng balasahan nang nagboykot ang grupo ni Cayetano sa sesyon. Kaagad na dineklarang bakante ang posisyon at ipinalit si Sen. Gatchalian bilang senate presidente pro tempore ng Senado. Nagmamaniobra ang kampo ni Pres. Marcos Jr upang tanggalan ng kapangyarihan ang mga pro-Duterteng grupo ni Cayetano. May kinalaman ang rigodon sa Senado sa nakahapag na isyu ng impeachment ni Sara Duterte at harangin ang pagtakbo niya bilang presidente sa Eleksyong 2028. Bagamat dapat ding isakdal, ipinupursigi ng korap din namang paksyong Marcos Jr na magmalinis at ibaling ang lahat ng atensyon ng taumbayan sa paglilitis sa mga Duterte. Ito’y sa pagtatangka niyang isalba ang sarili sa pag-alingasaw ng pandarambong sa Flood Control Projects (FCPs). Sa Mindoro, naisalang ang mga ghost projects at mahinang kalidad na FCP sa pamamagitan ng mga favored contractor na sina Discaya at Zaldy Co. Ang selebrasyon ng anibersaryo ng kalayaan ay nagmukhang apirmasyon sa kapasidad ng kanyang paksyon na pagalawin ang buong burukrasya. Nagsilbing okasyon din ito upang ipagbida ang kapabilidad sa digma ng bansa sa military parade na ginanap sa pagdiriwang.
Kaya parehas na korap, usapin na lang kung sino ang magagantimpalan ng basbas ng imperyalistang bansang nasa likod ng bawat isa. Halos magkabalu-baluktot at hindi mapakali ang mga burukrata kapitalista sa takot na abandunahin ng imperyalistang US sa gitna ng mga kinasasangkutang kontrobersya at matinding galit ng mamamayan. Bawat isa ay walang patumanggang inilalako ang rekurso ng Pilipinas sa US at maging sa China, alinman ang mas pabor sa kanilang interes sa pamamagitan ng walang pag-aatubiling pagpasok sa mga hindi pantay na kasunduang nagbibigay pabor sa imperyalistang amo.
Hindi Pantay na mga Kasunduang Pang-ekonomya at Pangmilitar sa Bansa
Sa gitna ng kaguluhan, walang patid ang pagiging sunud-sunuran ng reaksyunaryong gobyerno sa mga kumpas ng US. Nagdudulot ng takot sa mamamayan ang pagpasok sa bansa ng mga tropang dayuhan, kung saan pangunahin ang US at Japan, sa tabing ng Balikatan Exercises at kagyat na kasunod nitong Salaknib 2 na sinaklaw ang halos buong buwan ng Mayo. Ang malala, mananatili pa ang tropang dayuhan sa bansa at kanilang mga kagamitan hanggang Hulyo habang nag-aabang na ilunsad ang nalalabi pang mga war games. Pangunahing sinasanay ang tropa sa pakikidigmang pulu-pulo (archipelagic) at kontra-gerilya. Nagpapalipad ng mga misayl at gumagamit ng napakaraming lokasyong lunsaran ng war games nang lihim. Sadyang inililihim ang mga aktibidad tulad ng pagpapalipad ng misayl dahil tiyak na tututulan ito ng sambayanan. Sunud-sunod ang mga mapangbulabog na live fire exercises, at patuloy ang iba pang mga aktibidad militar na pangliligalig at pasakit sa mga mamamayan. Hindi pa nakuntento, gusto pang ideklarang economic security zone ng imperyalistang US ang libu-libong ektaryang lupain sa Pampanga at Tarlac para maging pagawaan, imbakan at pagkumpuni ng armas at mga kagamitang pandigma. Higit sa lahat, nananatili pa rin ang mga base militar nito sa bansa na estratehikong nakapwesto bilang paghahanda kung sakaling iputok na nito ang gyera kontra Tsina.
Isa ang Mindoro sa nagbabalikat ng nakaririmarim na mga epekto ng pagiging tuta at korap ng Burukrata Kapitalismo. Mula sa pananalasa ng mga palpak na mga FCPs—mga ghost projects at substandard na gabyon/dike na isa-isa nang pinaguho ng nagdaang mga malalakas na bagyo—hanggang sa pagbebenta ng isla sa mga dayuhang korporasyon upang minahin ang mga likas na yaman ng isla. Halimbawa nito ang malawakang sand mining sa tabing ng ‘dredging’ at Mindoro Nickel Project o MNP. Pangunahing inilalako sa mamamayan ang mga huwad na benepisyo ng mapaminsalang MNP para pormal na itong masimulan. Ito ay sa kadahilanang pangunahin ang Nickel sa mga mineral na gustong paunlarin ang pagpproseso sa bansa sa balangkas ng Kasunduang Pax Silica—isang multi-lateral na kasunduang pang-ekonomya sa pagitan ng US at iba pang kapitalistang bansa. Kinaladkad ng US ang Pilipinas sa kasunduang ito upang makuha ang mga mineral at likas na yaman ng bansa at ipagkait ito sa karibal na Tsina. Subalit, dahil tutol ang mamamayan, nagtuturuan ang mga burukrata sa isla kung sino ang may pananagutan sa pagpasok ng mga mapaminsalang proyekto o kaya naman kabi-kabilaan ang pagpopropaganda ng mga peke nitong benepisyo.
Dagdag pa rito ang paggamit ng karagatan at mga pasilidad ng isla para sa mga aktibidad pangmilitar ng US, kagaya na lamang ng paggamit ng karagatan ng Occidental Mindoro para sa marine drills ng mga pasistang tropang Kano kasama ang AFP. Inilalagak din dito ang mga high powered na armas pandigma ng imperyalista (hal. Lubang Island kung saan may nakalagak na Brahmos missile) sa kadahilanang estratehiko ang posisyon ng isla katuwang ng mga base ng US sa Palawan.
Digmang bayan bilang pangunahing magpapalaya sa bansa sa tanikala ng imperyalismo
Malinaw. Gaano man subukan itago ng estado sa banderitas ng magarbong selebrasyon, nakalubid pa rin sa kuko ng imperyalistang US ang soberanya ng bansa na pinagtitibay ng mga alagad nitong burukrata kapitalistang ganid sa kapangyarihan at yaman. Hangga’t hindi inaalis ang mga base militar ng US sa bansa, hangga’t pumapayag ang estado na maging praktisan ng mga tropang dayuhan ang mga komunidad at karagatan ng Pilipinas, hangga’t alipin pa rin ang Pilipinas ng mga hindi pantay na tratadong pang-ekonomya, hangga’t mga dayuhan ang pangunahing nakikinabang sa mga likas na yaman nito, at hangga’t nasa kapangyarihan ang mga tuta’t tiwaling mga burukrata kapitalista—walang lehitimong ‘Araw ng Kalayaan’ na dapat ipagdiwang ang mga mamamayang Pilipino at masang Mindoreño.
Nakalatag pa rin ang mga kundisyon upang lalong paigtingin ang pakikibaka ng mga mamamayan laban sa imperyalistang US at malawakang pagsasamantala sa pamamagitan ng demokratikong rebolusyong bayan. Ang mga mamamayan ang bubuno sa lehitimong kalayaan sa pamamagitan ng puspusang pakikibaka—sa pagmumulat at pag-oorganisa sa hanay nila, at pinakamahalaga, sa aktibong pagsuporta o paglahok sa armadong pakikibakang pangunahing inilulunsad ng Bagong Hukbong Bayan. Wala nang naniniwalang kusang loob na ibibigay ng US ang kalayaang inaasam sa bansa. Kailangang tanganan ang nakatalang aral sa kasaysayan na ang nagkakaisang mamamayang puspos ng rebolusyonaryong diwa ang tanging hahaklit sa tanikala ng pananakop ng imperyalismo.
Isulong ang Digmang Bayan upang makamit ang tunay na kalayaan!
Burukrata Kapitalismo, Ibagsak!
Imperyalismo, Ibagsak!











