Nagkaisa ang siyam na barangay ng Salladapan, Abra sa pagtutol sa proyektong eksplorasyon ng Yamang Mineral Corporation sa proseso ng Free, Prior at Informed Consent. Dahil dito, hindi na maaaring ipagpatuloy ng kumpanya ang proyekto.
Una nang tinutulan ng mga residente na kinabibilangan ng tribung Masadiit mula sa mga barangay ng Bilabila, Saccaang, at Naguillian ang plano. Lumawak ang pagtutol hanggang sa buong munisipalidad matapos ang mga konsultasyon na inilunsad ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) noong Abril 6, 7 at 9. Nangunguna sa pagtutol ang mga residente ng Sallapadan.
Anila, kailangan nilang protektahan ang kalikasan at kanilang kabuhayan para sa susunod na henerasyon. Binatikos nila ang paglapit ng mga tauhan ng kumpanya sa ilang mga indibidwal para wasakin ang kanilang pagkakaisa.
Nagpahayag din ng pagtutol sa planong eksplorasyon ang Diyosesis ng Bangued, Regional Basic Sector Coordinating Council ng Cordillera at National Anti-Poverty Commission.
Pinagpugayan ng Salakniban ti Umili ken Kadagaan ti Abra (Sumikad Abra) ang paninindigan ng mga komunidad ng minorya.
“Pinakitang muli ng Masadiit na may pagkakaisa ang kanilang komunidad laluna sa pagprotekta ng kanilang lupain mula sa dayuhang kumpanya sa mina,” pahayag ng grupo.
Ayon sa Sumikad, simula pa 2024 tinututulan na ng mga residente ang planong eksplorasyon ng kumpanya. Nagtayo sila ng barikada at hinarang ang pagpasok sa mga gamit ng kumpanya sa komunidad.
Noong Oktubre 2024, binigyan ng permit ng Mines and Geosciences Bureau para sa Authority to Verify Mineral ang kumpanya nang walang pahintulot angkomunidad. Bunga ng sama-samang pagkilos ng mga residente, napilitan ang NCIP na ipatigil ang beripikasyon noong Setyembre 2025.
Ang Yamang Mineral ay subsidyaryo ng Metals Exploration PLC, kumpanyang nakabase sa London, UK. Saklaw ng aplikasyon ng kumpanya ang 16,200 ektarya ng lupang ninuno sa Sallapadan, Licuan-Baay, Lacub at Malibcong. Ang kapatid nito na kumpanya na Woggle Corporation ay naharap rin sa matinding pagtutol ng mga residente ng Dupax del Norte, Nueva Viscaya.










