PRWC » Sa alaala ng mga martir at bayani ng Toboso

Libu-libong masang Negrosanon, Pilipino sa bansa at ibayong-dagat, at pandaigdigang proletaryo ang nagtaas ng kamao para bigyang-pugay at parangalan ang mga martir at bayani ng Toboso, kolektibong tinatawag na Toboso 19. Sila ay ang 19 na mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at hindi armadong mga indibidwal na minasaker ng 79th IB noong Abril 19 sa Barangay Salamanca, Toboso, Negros Occidental.

Kabilang sa kanila ang iskwad ng sampung Pulang mandirigma ng BHB-Northern Negros (Roselyn Jean Pelle Command) na lumaban sa mga pasista hanggang sa huling hininga. Sila ay sina: Roger Fabillar (Ka Tapang), na nagsilbing kumander ng BHB-Northern Negros; Maria Clarita Branzuel Blanco (Ka Sanim/Pat), instruktor sa pulitika; Rene Villarin Sr (Ka During), iskwad lider; Genevieve Balora (Ka Raia), kadre ng Partido sa distrito; Pedro Bonghanoy (Ka Regen), upisyal sa medikal; Sonny Boy Caramihan (Ka Nikki); Arnel Javoc (Ka JR); Joros Caramihan (Ka Bunso); Labskie Purisimia Enustacion (Ka Judy); at Jocel Gimang (Ka John Paul). Daan-daang Negrosanon ang humanay sa mahabang komboy para pagpugayan at ihatid sa huling hantungan ang kanilang mga Pulang mandirigma.

Bilang mga Pulang mandirigma ng hukbong bayan, direkta silang lumahok sa produksyon ng mga magsasaka, nagsagawa ng mga talakayan tungkol sa karapatan ng mga pinagsasamantalahan, at nagbigay ng mga serbisyong panlipunan sa mamamayang Negrosanon. Namuno at naging bahagi sila ng mga taktikal na opensiba laban sa pasistang AFP at PNP.

Sa kanilang pagpupunyagi ay nakapagpalawak ng erya ang yunit at nakapagrekober ng mga eryang matagal nang naiwan. Sa nagdaang taon, lumawak nang 30% ang kasapian ng Partido at naitayo ang bagong mga sangay sa malalapad na erya. Lumaki rin nang halos 50% ang kasapian ng mga lihim na organisasyong masa habang tatlong ulit na lumago ang bilang ng mga nauugnayan ng rebolusyonaryong kilusan.

“Sila ang mga binhi, tubig, at sinag ng araw na higit lalong nagpayabong sa mga inaaning tagumpay ng rebolusyon sa isla ng Negros at buong bansa. Ang mga pala na kanilang binitawan ay tatanganan nating mga naiwan upang ituloy ang pagpapatag sa tatlong pahirap na bundok ng imperyalismo, burukrata kapitalismo, at pyudalismo,” pahayag ng BHB-Northern Negros.

Mataas na pagpupugay din ang inialay ng masang Pilipino sa siyam na hindi armadong indibidwal na pinaslang ng 79th IB. Kinilala sila bilang sina: R.J. Nichole Ledesma, mamamahayag ng Altermidya; Alyssa Alano, lider estudyante ng University of the Philippines-Diliman; Maureen Keil Santuyo, myembro ng National Network of Agrarian Reform Advocates-Youth; Errol Wendel, organisador ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura; Lyle Prijoles, Pilipino-Amerikanong lider ng International Coalition for Human Rights in the Philippines; Kai Sorem, Pilipino-Amerikanong oranisador ng Anakbayan sa US; Roel Sabillo, kabataang magsasaka; at dalawang menor-de-edad (15 at 17 taong gulang) mula sa Toboso at Calatrava.

Sunud-sunod ang mga programa ng pagpaparangal sa mga martir at bayani ng Toboso. Sa partikular, nag-alay ng programa ng parangal para kay Ledesma ang Altermidya noong Mayo 1; ang kilusang magsasaka para kina Santuyo at Errol Wendel noong Mayo 3; ang komunidad ng UP Diliman kay Alano noong Mayo 5; at ang mga migranteng Pilipino ng US kina Prijoles at Sorem noong Mayo 4- 5.

Ayon sa mga progresibong grupo, nasa Toboso ang anim na organisador at mamamahayag para magsagawa ng pananaliksik at pakikiisa sa mga magsasakang itinataboy ng mga proyektong solar farm at windmill sa prubinsya. Ang kapasyahan nilang magtungo sa militarisadong mga komunidad ng isla ng Negros ay isang mulat na hakbang na makiisa sa mga mahihirap na magsasaka sa lugar.

Panawagan para sa hustisya

Sa iba’t ibang bahagi ng bansa, maging sa ibayong dagat, naglunsad ng mga protesta, pagtitirik ng kandila, sama-samang panalangin at iba pang tipo ng aktibidad para isigaw ang hustisya para sa Toboso 19. Kinalampag nila ang hedkwarters ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Camp Aguinaldo sa Quezon City noong Abril 24 para singilin ang rehimeng Marcos.

Ayon sa Karapatan, ang masaker ay maituturing na krimen sa digma na dapat panagutan ng rehimeng Marcos, ng AFP at ng National Task Force-Elcac. “Sila man ay sibilyan o kombatant, ang mismong dami ng mga napatay ay nagbubukas ng mahahalagang katanungan at kongklusyon sa paraan ng operasyon ng AFP,” ayon kay Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng grupo.

Dagdag niya, ang paggamit ng militar ng labis at hindi katumbas na pwersa, ang tila kabiguan na gumawa ng mga hakbang upang maiwasan o mabawasan ang mga namatay, ang isang araw na media blackout, at ang magkakaibang ulat sa mga lugar ng insidente at mga nakuhang armas ay dapat kwestyunin. Aniya, ang posibilidad na nagsagawa ang militar ng isang masaker, isang krimen sa digma, kabilang na sa konteksto ng isang armadong sagupaan, ay dapat imbestigahan.

Marami ang nakiisa sa panawagan para sa hustisya kabilang si San Carlos City Bishop at Caritas Philippines President Most Rev. Gerardo A. Alminaza, D.D. Nanawagan rin ang ilang mga partido at kongresista para sa independyenteng imbestigasyon kabilang ang mga kinatawan ng Makabayan Bloc at si ML Partylist Rep. Leila de Lima.

Source link