PRWC » Ang katotohanan sa masaker sa Toboso

Napatunayan sa inilunsad na National Fact-Finding and Solidarity Mission (NFFSM) ng mga progresibong grupo sa Barangay Salamanca, Toboso, Negros Occidental noong Mayo 14 ang patung-patong na mga paglabag sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas ng 79th IB sa naganap na Toboso masaker. Inimbestigahan nito ang pagpatay ng militar sa 10 Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at siyam na hindi armadong mga indibidwal noong Abril 19 sa Barangay Salamanca at kaugnay na mga pangyayari.

Hindi bababa sa 117 delegado ang lumahok sa misyon na binubuo ng mga lokal at dayuhang tagapagtanggol ng karapatang-tao, mambabatas, aktibista, taong-simbahan, lider-estudyante at mamamahayag. Isinagawa ito sa pagpapaunlak ng mga grupo mula sa Negros Island, sa pangunguna ng Manindigan-Negros.

Sa laki at lapad ng delegasyon, hindi ito natinag ng matinding militarisasyon at panggigipit ng militar sa Toboso at buong isla. Natulak nito ang mga lokal na gubyerno at upisyal na pahintulutan ang aktibidad. Sinuportahan at binasbasan rin sila ni San Carlos Bishop Gerardo Alminza. “Ang inyong lakas ng loob na hanapin ang katotohanan sa gitna ng takot at pananakot ay isang kongkretong patunay na mahalaga pa rin ang katotohanan, katarungan, at kapayapaan,” pahayag niya.

Partikular na tinungo ng delegasyon ang Sityo Sinugmawan at Sityo Plaringding kung saan narinig ng mga residente ang mga putok ng baril. Pinuntahan ng delegasyon ang bawat lokasyon ng mga insidente kung saan nila nakita ang mga tama ng bala sa mga puno, naiwang mga basyo ng bala at iba pang mga bakas ng pamamaril.

Nagsagawa sila ng mga focused group discussions at pagbabahay-bahay para makapanayam ang mga residente. Nakausap nila ang hindi bababa sa 30 residente na anila ay maituturing na mga “susing impormante” dahil mayroon silang direktang karanasan sa mga pangyayari.

Isinalaysay ng mga residente ang “pagbisita” at panghahalughog ng mga sundalo sa hindi bababa sa 18 kabahayan sa paghahanap sa sinasabing mga mandirigma ng BHB. Sa Sityo Plaringding, mayroong kaso ng pagdakip ng 79th IB sa isang mag-ina na papunta sa palaisdaan para manguha ng shellfish. Dinala ang mag-ina sa isang burol kung saan sila ipinailalim sa interogasyon. Nasaksihan ng mag-ina mula dito ang walang patumanggang pamamaril ng mga sundalo sa palaisdaan. Gumamit rin ng mga drone ang 79th IB.

Nakumpirma ang sapilitang pagpapalikas ng 79th IB sa 653 indibidwal mula Abril 19 hanggang Abril 22. Dahil dito, walang nakapanayam ang delegasyon na makapagpapatunay sa pahayag ng 79th IB na nagkaroon ng matinding labanan sa palaisdaan kung saan sinasabing natagpuan ang mga bangkay ng 19.

Pinatotohanan ng mga residente na hindi bababa sa anim sa 19 na mga minasaker ay mga sibilyan. Anila, personal nilang nakasalamuha ang lider-estudyanteng si Alyssa Alano, mga organisador ng magsasakang sina Maureen Santuyo at Errol Wendel, mamamahayag na si RJ Ledesma, at mga Filipino-American na aktibistang sina Kai Sorem at Lyle Prijoles. Anang mga residente, ni minsan ay hindi nila nakitang may dala-dalang armas ang anim sa kanilang pagtuloy sa komunidad.

Ayon sa Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA), ang pahayag ng mga residente ay sumusuhay sa iginigiit ng mga progresibong grupo na ipinadala ang mga sibilyan sa Barangay Salamanca para magsaliksik. Nasa barangay sila para tumulong sa pag-oorganisa at pagbuo ng panlipunang pagsisiyat at pag-aaral sa kalagayan ng mga magsasaka at manggagawang-bukid, partikular sa Hacienda Bedonia. Saklaw ng asyenda ang 18 ektarya ng lupa na binubungkal ng 16 na pamilya ng manggagawang-bukid na matagal nang dapat ipinagkaloob sa kanila.

Sa mga datos na nakuha, nakumpirma ng delegasyon ang mga krimen ng 79th IB. Kabilang dito ang paggamit ng militar sa bahay ng mga sibilyan, panggigipit at pananakot sa mga residente, paghihigpit sa mga gawaing pagsasaka, walang-patumanggang pamamaril malapit sa mga kabahayan, iligal na pagkulong, at ang paggamit sa isang magsasaka bilang panangga.

Napatunayan din ng delegasyon na mayroong “evidence tampering” o paggalaw at pagtatanim ng mga ebidensya (mga armas, bandolyer at personal na kagamitan) para palabasing totoo ang kwentong ipinakakalat ng 79th IB. Maliban dito, sa ulat ng forensic pathologist na si Dr. Fortun ay mayroong mga tama sa likod ang tatlong pinatay ngunit sa mga larawan ng bangkay na ipinakalat ng militar ay pawang nakatihaya ang mga ito. Natuklasan din na ang ilan sa mga biktima ay posibleng namatay sa labis na pagdurugo.

Malinaw din umano ang naging paglapastangan ng mga sundalo sa mga bangkay ng biktima. Dalawang araw nilang iniwang nakabilad sa araw at nakababad sa tubig ng palaisdaan ang mga bangkay at “nirekober” lamang noong Abril 21. Nagkapalit pa ang bangkay ng dalawa sa mga pinaslang.

Sa pagtatapos ng misyon, panawagan ng delegasyon ang pananagutan sa 79th IB at 303rd IBde, kasabay ng pagwawakas sa militarisasyon sa Negros Island. Iginigiit nila ang hustisya sa mga minasaker at sa lahat ng pamilya ng biktima.

Samantala, ginipit ang delegasyon ng mga pwersa ng estado. Binuntutan ng mga sundalo ang mga tim na nagsagawa ng imbestigasyon at kinuhaan sila ng mga litrato. Dumagsa rin ang mga sundalo ng 79th IB sa Barangay Salamanca noong Mayo 13, isang araw bago ang misyon. Isang Amerikanong delegado mula sa International Coalition for Human Rights in the Philippines ang pinigilang makapasok sa Pilipinas sa pagdadahilang “blacklisted” siya sa bansa.

Source link