Libu-libong manggagawa mula sa iba’t ibang pambansang sentro sa paggawa, mga unyon, samahan ng manggagawa at mga alyadng organisasyon ang magkakasamang nagmartsa sa Maynila noong Mayo 1 bilang paggunita sa Pandaigdigang Araw ng Paggawa. Pinangunahan ang pagkilos ng National Wage Coalition na binubuo ng Kilusang Mayo Uno (KMU), Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Nagkaisa Labor Coalition (Nagkaisa!), at Trade Union Congress of the Philippines (TUCP). Nakiisa rin sa martsa ang Labor Consultative Assembly na binuo ng Caritas Philippines, No to OPH Coalition, All Workers Unity (AWU) at Laban Manggagawa. Sa taya ng Mayday Multimedia, umabot sa 30,000 ang lumahok sa rali.
Bitbit ng koalisyon ang panawagang “WELGA” o Wage hike now tungo sa national living wage!; E-VAT at excise tax tanggalin at income tax repasuhin!; Lagyan ng buwis ang sobrang yaman at sobrang kita!; Gawing abot-kaya ang presyo!; at Arestuhin ang lahat ng kurakot! Dala nila sa unahan ng hanay sa martsa mula España Boulevard patungong Mendiola ang malaking panawagang: “Sahod itaas! Buwis ibaba! Magwelga buong bansa!”
Sinalubong ng panunupil ng mga pulis ng rehimeng Marcos ang martsa ng mga manggagawa. Dahil sa malaking bulto ng mga armadong pulis, barbed wire at mga trak ng bumbero na nakaharang, natulak ang mga manggagawang magprograma na lamang sa interseksyon ng Nicanor Reyes at Recto Avenue.
Ayon sa mga manggagawa, ang pagharang sa kanilang protesta ay tahasang pagbaliwala ng rehimeng Marcos sa kanilang karapatan at kagalingan. Pinatutunayan nitong walang laman ang pahayag ng kanyang rehimen ng “pagdakila” sa manggagawang Pilipino noong Mayo 1.
Militanteng martsa sa embahada ng US
Matapos ang nagkakaisang programa ng National Wage Coalition, pinangunahan ng KMU, kasama ang AWU at Bagong Alyansang Makabayan, ang isang martsa patungo sa embahada ng US. Tumungo sila sa embahada para ipanawagan ang pagwawakas sa gerang agresyon ng US-Israel sa Iran na nagdulot ng walang-kapantay na krisis sa Pilipinas at buong mundo.
“Magmula nang sumambulat ang sigalot sa Kanlurang Asya, kinaladkad ng US at mga kasapakat nito, ang manggagawa at mamamayan sa Pilipinas at daigdig sa kumunoy ng malubhang gutom, kahirapan at pagdurusa,” pahayag ng KMU. Dinaranas umano ng manggagawang Pilipino ang malubhang negatibong epekto ng oil price shock sa presyo ng mga batayang bilihin habang nananatiling barat ang minimum na sahod.
Iginiit rin ng mga grupo ang hustisya para sa mga manggagawa at unyonistang pinaslang ng reaksyunaryong estado dahil sa pagtataguyod ng kanilang mga karapatan at pagtatayo ng mga unyon. Panawagan rin nila ang hustisya para sa Negros 19 at lahat ng iba pang biktima ng madugong kampanyang kontra-insurhensya ng rehimeng Marcos sa balangkas ng National Action Plan for Unity, Peace and Development.
Sa harap ng krisis sa ekonomya at pulitika, nanawagan ang KMU sa kapwa manggagawa na panghawakan at sandigan ang lakas ng ating uri. “Ikawing natin ang pakikibaka ng manggagawang Pilipino sa pakikibaka ng lahat ng manggagawa sa daigdig laban sa pandarambong, gera at pasismo. Sama-sama nating ibagsak ang imperyalismong US—ang numero unong kaaway ng manggagawa’t mamamayan ng daigdig,” anito.
Sa paggunita sa ika-124 taon ng Araw ng Paggawa sa Pilipinas, ipinagpapatuloy ng KMU ang anti-imperyalista at militanteng simulain ng Union Obrera Democratica de Filipinas, ang unang pederasyon sa paggawa sa bansa. Itinataguyod ng unyon ang mga karapatan ng lakas-paggawa habang nasa ilalim kolonyal na pananakop ng US ang bansa. Mahigit 100,000 na manggagawa ang nagmartsa mula sa Plaza Moriones sa Tondo patungong Malacañang upang hilingin ang ganap na kalayaan at kamatayan sa imperyalismong US.









