Mahigit isang buwan nang walang nakakamtang hustisya ang pamilya at kaanak ng magsasakang T’boli na si Jonathan Kubot mula nang patayin ng mga sundalo ng 105th IB. Pinatay siya ng militar noong Marso 25 sa Sityo Lam-afus, Barangay Lambangan, T’boli, South Cotabato.
Ayon sa ulat, katatapos lamang maglinis ng palayan ni Kubot nang abutan siya ng mga sundalo. Dinampot siya ng mga ito, ipinailalim sa tortyur, at pinilit na umamin na siya ay mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).
Sa isang panayam sa BHB-Far South Mindanao, kinundena ng yunit ang pag-aresto, pagtortyur at pagpatay kay Kubot. Inilinaw rin nito na hindi siya Pulang mandirigma.
Ang pamamaril at pagpatay ng mga sundalo sa mga sibilyan ay tahasang paglapastangan sa mga internasyunal na makataong batas, mga batas ng digma at iba pang internasyunal na deklarasyon na nagbibigay ng proteksyon sa mga sibilyan at di-kombatant saanman may armadong sigalot.
Ipinagbabawal sa ika-32 Artikulo ng Fourth Geneva Conventions ang anumang hakbang na magreresulta sa pagdurusang pisikal o pagpuksa sa mga taong nasa ilalim ng proteksyon nito. Alinsunod sa alituntunin. “…hindi lamang ito aplikable sa pagpatay, tortyur, pananakit, mutilation (pagputol sa anumang bahagi ng katawan) …kundi maging sa iba pang pamamaraan ng brutalidad, gawa man ng ahenteng sibilyan o militar.”
Labag din ito sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) na pinirmahan ng Gubyerno ng Pilipinas at National Democratic Front of the Philippines.
Nagsisilbing kumander ng 105th IB si Lt. Col. Erikzen Dacoco na itinalaga noon lamang Pebrero 2026. Ang batalyon ay mahigit tatlong taon pa lamang mula nang binuo sa ilalim ng 6th ID noong Pebrero 2023. Nakabase ito sa Sityo Matinong, Barangay Little Baguio, Surallah.











