PRWC » Sagka ang kataksilan ng US at Israel sa kapayapaan sa Iran, Middle East

Nananatiling walang katiyakan ang katapusan ng gerang agresyon ng US at Israel sa Iran at Middle East sa kabila ng pinirmahan ng gubyerno ng US at Iran na “memorandum of understanding” o MOU para sa kapayapaan (Islamabad Memorandum of Understanding) noong Hunyo 17.

Pinirmahan nina Iran President Masoud Pezeshkian at US President Donald Trump ang memorandum sa paraang elektroniko. Pumirma rin dito si Pakistan Prime Minister Shehbaz Sharif bilang taga-endorso ng memorandum at nagsilbing tagapamagitan sa negosasyon ng dalawang panig.

Mayroong 14 na punto ang naturang memorandum. Alinsunod dito, iiral ang tigil-putukan sa loob ng 60 araw na magbibigay daan sa pagbubuo ng isang “pinal na kasunduan.” Saklaw ng tigil-putukan ang pag-atake ng Israel sa Lebanon.

Sa kabila nito, paulit-ulit ang pagbabanta ng US na bumalik sa panggegera “kung hindi tutupad” ang Iran sa mga tuntunin. Ito ay habang tumatanggi ang US na tunay na rendahan ang Zionistang Israel na tumalima sa tigil-putukan sa Lebanon. Wala pang 24 oras mula nang pirmahan ang memorandum, inatake na ng Israel ang Lebanon.

Kabilang rin sa mga napagkasunduan ang pagbubukas ng Iran sa Strait of Hormuz at ang pag-atras ng US sa blokeyo sa mga pyer ng Iran. Kasabay nito, iginiit ng Iran na mayroon itong soberanong karapatang pangasiwaan ang kipot at magpapataw ng kabayaran para sa mga serbisyo ng pagdaan dito ng mga barkong may lulang langis. Dahil sa pag-atake ng Israel sa Lebanon, inianunsyo ng Iran ang muling pagsasara sa kipot noong Hunyo 20.

Nakuha rin ng Iran ang pangako ng US na itutulak ang mga “katuwang na bansa sa rehiyon” na bunuin ang $300 bilyong pondo para sa rekonstruksyon ng bansa. Nangako rin ang US na tatanggalin nito ang mga ipinataw na sangsyon sa Iran at maglalabas ng mga “pahintulot” sa pag-eeksport ng langis. Nagkasundo rin ang dalawang panig sa usapin ng paglikha o pagbili ng armas nukleyar ng Iran na sinasabi ng US na dahilan ng panggegera nito.

Nakasaad rin sa memorandum na “igagalang” ng dalawang bansa ang soberanya at integridad sa teritoryo ng bawat isa at iiwasan ang pakikialam sa kani-kanilang internal na mga usapin.

Para sa Iran, ang pagkakapirma sa memorandum ay isang tagumpay. Anito, malinaw na nabigo ang US sa idineklara nitong layunin ng gerang agresyon sa Iran kung kaya humantong ito sa isang memorandum.

Ang pinsala ng gera

Ang gerang agresyon ng US at Israel sa Iran at Middle East, na nagsimula noong Pebrero 28, ay tumagal ng mahigit 100 araw bago ang pagpirma sa memorandum. Nagkaroon ng pansamantalang patlang sa gera nang magkasundo para sa dalawang linggong tigil-putukan mula Abril 8 na makaisang-panig na pinalawig ni Trump noong Abril 21 habang ipinapapatuloy ang mga pag-atake.

Sa ika-100 araw ng gerang agresyon noong Hunyo 7, naitala ang hindi bababa sa 3,468 na mga napatay ng US-Israel sa Iran, kabilang ang Supreme Leader nito na si Ali Khamenei. Napatay sa gera ang walong sanggol, 376 mga bata at 496 kababaihan, habang 26,500 indibidwal ang nasugatan. Sa mga pag-atake ng US-Irael sa katabing bansa ng Lebanon, umabot na sa 3,593 ang napatay habang 10,990 ang nasugatan.

Nakapaglunsad ng mga kontra-atake at pagtatanggol ang Iran at iba pang armadong pwersang lumalaban sa gerang agresyon. Hindi bababa sa 68 ang napatay nila kabilang ang 13 tropa ng US, 26 pwersa ng Zionistang Israel, at 26 armadong pwersa ng mga tutang gubyerno sa Middle East.

Samantala, nagpapatuloy ang henosidyo ng Zionistang Israel sa Gaza Strip at iba pang bahagi ng okupadong lupain ng Palestine. Sa kabila ito ng napirmahang kasunduan para sa “tigil-putukan” ng Hamas at Israel noong Oktubre 2025 na pinagitnaan ng US. Hindi bababa sa 1,005 na mga Palestino ang pinatay ng Israel mula nang napirmahan ang kasunduan. Mula Oktubre 2023, mahigit 71,000 Palestino na ang pinatay ng Israel kabilang ang 20,179 bata.

Source link