Nakikiisa ang mga rebolusyonaryong pwersa sa Eastern Visayas sa mga pambansang protestang ikakasa ngayong araw na tumutuligsa sa lahatang-panig at malakolonyal na pagsaklot ng imperyalismong US sa Pilipinas. Bahagi sila ng malawak na hanay ng mamamayang Pilipino na tunay na naggigiit ng pambansang kalayaan at soberanya. Tulad nila, iginigiit ng Partido, Bagong Hukbong Bayan at mga rebolusyonaryong organisasyon sa Eastern Visayas na hindi pa rin tunay na malaya ang mga Pilipino sa ilalim ng lipunang malakolonyal at malapyudal, at kailangan itong lubos na wasakin sa pamamagitan ng digmang bayan para dalhin ang bansa sa landas ng tunay na kaunlaran at kapayapaan.
Ang “kalayaang” taun-taong ginugunita ng bawat papet na rehimen tuwing Hunyo 12 ay huwad at walang katuturan para sa mga ordinaryong Pilipino. Patuloy na nasasadlak ang bayan sa kahirapan, kawalang hustisya at pagyurak sa mga karapatan. Ang tunay na malaya lamang ay ang malalaking panginoong maylupa, burgesya kumprador, at burukrata kapitalista na walang-awat sa pandarambong sa likas na yaman, pondo at lakas-paggawa ng bayan. Dahil itinataguyod nila ang mga patakarang pabor sa dayuhang buwitre, ang pamamayani nila at pangungurakot sa kaban ng bayan ay pinahihintulutan at binabasbasan ng imperyalismong US.
Sa ilalim ni Marcos Sr hanggang kay Marcos Jr, tuluy-tuloy ang pagbasura sa kasarinlan ng bansa. Laluna kay Marcos Jr, dumalas at lumawak pa ang labas-pasok ng mga dayuhang tropa laluna ng US. Taksil niyang ibinukas ang bansa sa daan-daang war games at pagpapatrulya sa dagat, sa pagtatayo ng mga lantad at sikretong base militar, pagpapapusisyon ng mga armas at kagamitang pandigma, at pagpapakawala ng misayl mula sa sibilyang airport sa Tacloban City para mababang lumipad sa ibabaw ng mga sibilyang komunidad na nailagay sa panganib—lahat nang ito ay humahatak sa mga Pilipino sa alimpuyo ng imperyalistang digmaan sa Asya-Pasipiko. Anumang “relief” o ayuda, tulad ng ipinamigay ng 8th Infantry Division sa mga mangingisda sa Tacloban na nawalan ng hanapbuhay dahil sa Balikatan, ay hindi maikukubli ang katotohanang ito.
Isinuko rin ni Marcos ang mahahalagang mineral at ekta-ektaryang lupain ng bansa para dambungin ng mga kumpanyang Amerikano at gamitin sa manupaktura ng mga kagamitang pandigma sa ilalim ng kasunduang Pax Silica at programang Luzon Economic Corridor. Sa Eastern Visayas, niraratsada ng rehimeng Marcos ang Samar Unity Roads Project, isang proyektong pangalsada na tumatagos sa mayamang kagubatan ng Samar, at inaasahang magpapabilis sa pandarambong ng mga dayuhang kumpanya sa mga deposito ng bauxite, chromite, nickel at iba pang mineral sa rehiyon. Sinumang tumutol, sa pamamagitan man ng armadong paglaban o hindi, ay marahas na sinusupil. Kabilang dito ang inilunsad kamakailan sa Pilipinas ang mga kontra-insurhensyang pagsasanay ng mga dayuhan at lokal na pasistang tropa sa mga sa mga komunidad ng magsasaka at mangingisda, na nagtatarget sa mga armadong rebolusyonaryong grupo tulad ng BHB.
Bilang numero unong terorista, ang ganitong pagyurak sa kalayaan ng mga soberanong bansa ay ipinapatupad din ng imperyalismong US sa iba’t ibang bansa. Ito ang ginagawa nila ngayon sa Iran, Venezuela, Colombia, Bolivia, at Cuba. Ito ang ginawa nila noon sa Vietnam, Nepal, Nigeria, China, Indonesia, at marami pang iba. Sa pag-igting ng panghihimasok at pasistang panunupil ng US sa mga bayang ito, lalong nag-aalab ang makabayang diwa ng mamamayan. Nagbibigay-inspirasyon ito sa mamamayang Pilipino sa sariling pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya.
Mahaba pa ang landas na tatahakin ng mamamayang Pilipino para makamit ang tunay na kalayaan. Handa ang mamamayan ng Eastern Visayas na tahakin ang rebolusyonaryong landas ng paglaya mula sa dayuhang manggagahis, anumang liko’t ikot pa ang pagdaanan.











