Kinundena ng Bagong Alyansang Makabayan ang pagpapaputok ng Japan at US ng nakamamatay na mga misayl sa ngalan ng “pagsasanay” noong Mayo 5 at 6. Anito, ginagawang “firing range” ang Pilipinas ng mga imperyalistang bansa.
“Nilalapastangan ang soberanya ng bansa kapag pinapayagang maglunsad ng mga live-fire missile exercise sa ating lupain at karagatan,” ayon sa Bayan. “Dinadamay sa panganib ang mamamayan, lalo na ang mga komunidad na malapit sa mga pasilidad at lugar na ginagamit sa Balikatan.”
Tinawag nitong “malalalang eskalasyon” o pagpapabilis ng kumpas ang mga pagpapasabog ng misayl.
“Lalo nitong ginagawang normal ang paggamit sa teritoryo ng Pilipinas bilang testing ground at arena ng pagtatanghal para sa kakayahang militar ng mga dayuhan,” ayon sa grupo. “Pinapalalim din nito ang ating pagkakasangkot sa tumitinding geopolitical at military rivalry, kung saan ang mamamayang Pilipino ang higit na mawawalan pagdating sa buhay, kabuhayan, at pambansang seguridad.”
Pagbabalik ng brutal na mananakop
Sa kauna-unahang pagkakataon mula nang mapalayas ang mga tropang Japanese sa Pilipinas noong 1945, muli silang tumuntong sa bansa para magsagawa ng mga opensibong operasyon. Noong Mayo 6, nagpalipad ang mga tropang Japanese ng dalawang Type 88 surface-to-ship missile. Itinuturing ito na unang pagkakataon na naglunsad ang Japan ng “opensibong misayl” sa ibang bansa mula noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Pinaputok ang misayl mula sa mga sand dune ng Culili Point (Paoay Sand Dunes) sa hilagang-kanlurang Luzon upang tamaan at palubugin ang isang lumang barko ng Philippine Navy na BRP Quezon, na nasa layong 75 kilometro mula sa baybayin.
Isinagawa ang pagpapasabog bilang bahagi ng Balikatan 2026 war games na nilahukan ng kabuuang 17,000 tropa mula sa pitong bansa. Humigit-kumulang 1,400 tauhan ng Japan Self-Defense Forces (SDF), ang pinakamalaking pag-deploy ng mga tropa ng Japan sa ibang bansa mula noong 1945, ang lumahok sa war games na ito. Traydor na pinahintulutan ng rehimeng Marcos ang presensya ng mga pwersang Japanese sa balangkas ng Reciprocal Access Agreement (RAA) na pinagtibay noong 2025.
Ang pagpapadala ng Japan ng mga tropa at gamit militar sa Pilipinas ay kagagawan ng mapanulsol sa gera na punong ministro nito na si Sanae Takaichi. Sa ilalim ng kanyang pamumuno, mabilis na binubuwag ng naghaharing uring Japanese ang mga limitasyon sa kapangyarihang militar na itinakda pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Kabilang sa mga hakbang ng gubyerno ni Takaichi ang pag-alis ng mga pagbabawal sa pag-eksport ng nakamamatay na mga armas at pagtanggal sa 1% limitasyon ng GDP para sa gastusing pandepensa.
Paglaban sa militarismong Japanese
Umaani ng matinding pagkundena at paglaban ang “normalisasyon” ng militaristang Japan na itinutulak ni Takaichi.
Sa loob ng Japan, nahaharap ang kanyang gubyerno sa malalaking protesta dahil sa pagbabago ng kanyang gabinete sa mga alituntunin sa pag-eksport ng opensibong mga armas. Labag ito sa mga probisyong maka-kapayapaan na nakaukit sa kanilang konstitusyon. Tinitingnan rin ng marami ang paglahok ng mga tropa nito sa isang opensibong war game tulad ng Balikatan bilang probokasyon na gumugulo sa kaayusan sa Asia-Pacific.
Sa Pilipinas, matagal nang kinukundena ng mga Pilipino ang pagtatraydor ng rehimeng Marcos at ng tutang AFP sa pagpapahintulot ng pagpasok ng mga tropang Japanese, sa kabila ng brutal na okupasyon nito sa nakaraang siglo.
“Nanawagan kami sa gubyernong Marcos na bawiin ang anumang pahintulot na iginawad nito na nagbibigay-daan sa mga dayuhang pwersa na magsagawa ng mga live-fire missile launch at katulad na mga agresibong pagsasanay sa bansa,” ayon sa Bayan.
Batid kapwa ng mamamayang Pilipino at Japanese na ang militarisasyon ng Japan at ang galaw nito sa balangkas ng panunulsol ng US sa imperyalistang gera sa Asia ay isang sugal na kakaladkad sa Pilipinas sa gitna ng tunggalian ng malalaking kapangyarihan. Habang sinasabi ng Japan na ang mga hakbang nito ay para sa pagtatanggol sa isang “rules-based order,” malinaw na ginagamit ng Japan ang Pilipinas bilang “lunsaran para ipakitang-gilas ang mga armas nito” upang ibenta ang mga lumang kagamitan. Kabilang dito ang mga luma nang Abukuma-class destroyer na nakatakdang “ibenta” nito sa Pilipinas.











