Ang Bayan Ngayon » Balikatan war games ng US, muling namerwisyo sa maliliit na mangingisda

Tulad sa nakaraang mga taon, muli na namang pinerwisyo ng mga tropang Amerikano at kanilang mga war games ang maliliit na mangingisda sa iba’t ibang bahagi ng Luzon.

Mula Abril 20 hanggang 29, isinara ng US, kasabwat ang AFP at ang rehimeng Marcos, ang pangisdaan sa Zambales, malapit sa mga barangay ng Botolan, Cabangan, San Felipe, San Narciso, San Antonio, at sa Subic. Ginamit ang karagatann dito para sa paglalayag ng mga dayuhang barko at live-fire drill sa ilalim ng Integrated Air and Missile Defense Exercise kung saan nagpalipad ng totoong mga misayl ang US. Apektado nito kahit ang mga operasyon ng mga pook panturista at ang byahe papunta sa mga kalapit na isla.

Dagdag sa Zambales, nagkaroon rin ng malawakang pagbabawal sa Batanes/Luzon Strait na napakalapit na sa Taiwan. Ginamit ang karagatan rito para sa pagpapaputok ng mga anti-ship missile. Nagkaroon din ng pagbabawal sa ilang lugar sa Palawan na ginamit para sa counter-landing at amphibious drills. Sa Cagayan, ipinagbawal ang paglalayag ng mga mangingisda sa Abulug habang ginawang palaruan ng amphibious at ship-to-shore operations ng mga Amerikano ang kanilang baybay.

Ipinagbawal din ng US ang pangingisda at paglalayag ng mga Pilipino sa mas malawak pang karagatan sa South China Sea habang ginamit ang mga sea lang ng mga barkong pandigma ng US at mga alyado nito.

Pagkawala ng kita at pagkain

Libu-libong mangingisda at kanilang pamilya ang nawalann ng kita at pagkain dahil sa mga war games na ito. Mahirap na sa kanila ang di makapalaot nang isang araw, doble-dobleng paghihirap ang halos dalawang linggong pagbabawal. Nasa kasagsagan ngayon ng fishing season, kung kailan pinakamataas ang maaaring kitain.

Kinundena ito ng grupong Pamalakaya na nagsabing napalaking perwisyo ang Balikatan ng US sa gitna ng matinding paghihirap na dala ng oil price shock na nilikha ng US mismo nang salakayin nito ang Iran.

Ayon sa grupo, di dapat pinapayagan ang US na sanhi ng kasalukuyang krisis sa langis na magsagawa ng mga war games sa bansa.

Mula nang pinasiklab ng US ang gera sa Middle East, umaabot na sa P1,200 ang ginastos ng mga mangingisda o doble sa dati nilang gastos para sa minimum na 10 litrong nagagamit kada palaot.

Ikinagalit din ng mga mangingisda ang wala o, kung meron, lubhang kulang na kumpensasyon sa mga araw na nawalan sila ng hanapbuhay. Anila, malaking insulto ang pagwawaldas ng pondo ng bayan sa Balikatan habang naghihirap ang kalakhan ng mamamayang Pilipino.

Source link