PRWC » Pagliyabin ang apoy ng paglaban sa imperyalismong US—ang pangunahing ugat ng kahirapan ng sambayanang Pilipino!

Walang dapat ipagdiwang ang sambayanang Pillipino sa araw na ito. Ang paggawad ng US ng nominal na kalayaan sa Pilipinas noong Hunyo 12, 1898, ang hudyat ng kolonyal na paghahari ng imperyalismong US sa bansa. Iniresulta ito ng pagkakanulo ni Emilio Aguinaldo at sandakot na tulad niya para umamot ng karangalan, kapangyarihan at kayamanan kapalit ng pagsuko sa kalayaan at masaker sa buhay at karapatan ng mga Pilipino. Higit 250,000 Pilipino ang namatay, pinakamalaki ang mga sibilyan sa digmang Pilipino-Amerikano noong 1898-1902.

Sinasagisag ngayon ni Marcos Jr ang imahen ni Aguinaldo at iba pang nauna sa kanya bilang numero-unong taksil, bentador at tuta ng imperyalismong US. Dahil sa marupok na pundasyon ng kanyang paghahari, sagad ang pangangayupapa niya sa lahat ng naisin at interes ng imperyalismong US na ngayo’y kinakatawan ng pandaigdigang maton na si Donald Trump. Para umamot ng konsesyon sa US, mabilis niyang inilalatag ang mga rekisito para sa mistulang panunumbalik ng permanenteng base militar at napakaluwag na akses sa mga tropa at pasilidad militar ng US sa bansa.

Sa gitna ng tumitinding tensyon sa West Philippine Sea, pinahintulutan nitong madagdagan mula lima tungong siyam ang base militar ng US sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement. Kasabay nito ang patuloy na sumisinsin, papalaki at papalawak na mga ehersisyong militar at kolonyal na pagsasanay sa bansa dahilan upang maging permanente na ang pagbabase ng mga ito sa iba’t ibang lokasyon sa Pilipinas. Sukdulang pagyurak sa soberanya ng bansa at walang pagsasaalang-alang sa kapakanan ng sambayanang Pilipino, pinahintulutan nitong magpaputok ng Tomahawk missile ang US mula Tacloban ng kabisayaan hanggang Laur ng Luzon. Inilalagay ng US at ni Marcos ang sambayanang Pilipino sa kapahamakan oras na pumutok ang pinaghahandaan nitong gyera laban sa China.

Sa ilalim din ni Marcos Jr inarangkada ang Luzon Economic Corridor (LEC) bilang pinakaunang proyekto sa ilalim ng Pax Silica ng US at mga alyadong bansa nito na malinaw na nakaupat sa China. Sa bisa ng LEC, libreng ipinagkakaloob ng Pilipinas sa US ang nasa 1,600 ektaryang lupain para pagtayuan ng US ng imprastrukturang militar at pang-ekonomya.

Mula maluklok sa estado, pinalaki ni Marcos ng 39% ang pondo sa depensa na ₱217.7 bilyon noong 2022 tungong ₱301.7 bilyon ngayong taon. Nanganganib pa itong tumaas sa ilalim ng atas ni Trump na itaas tungong 3.5% ng GDP ang gastos na ayon sa kwenta ng IBON Foundation ay mahihigitan pa kahit pagsama-samahin ang pondo sa kalusugan, social welfare, agrikultura at repormang agraryo, paggawa at migranteng manggagawa.

Kung lilingunin ang 128 taong paghahari ng US sa bansa, ipinataw nito ang walang kaparis na pang-aalipin at pagsasamantala sa sambayanang Pilipino. Walang pakundangang niyurakan nito ang kasarinlan at soberanya ng bansa, dinambong ang likas na yaman at piniga ang lakas-paggawa ng mga Pilipino para sa sariling pakinabang. Para maluklok sa tuktok ng kapangyarihan sa daigdig, kinailangang tapakan ng US ang Pilipinas at ang kalayaan at karapatan ng mga Pilipino. At sa bingit ng kagipitan, walang kaabug-abog nitong inabandona ang mga Pilipino sa harap ng pananalakay ng pasistang Japan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Buong-giting itong hinarap ng mga Pilipino sa pangunguna ng lumang Partido Komunista ng Pilipinas at Hukbalahap. Nang mabali ng mga Komunista sa buong daigdig sa pangunguna ng Unyong Sobyet at China ang gulugod ng pasismo, saka lamang bumalik ang kolonyal na tropa at mga tauhan ng US para muli na namang agawin ang tagumpay ng mga Pilipino.

Sa kanyang pagbabalik, iginawad nito ang Huwad na Kalayaan at itinatag ang papet na republika sa Pilipinas kaya naging malakolonya ng US ang bansa. Pero walang nagbago. Gamit ang papet na estado, mga reaksyunaryong batas at ang armadong pwersa nito, ipinataw muli ng US ang lahatang-panig na pagkontrol sa Pilipinas. Ipinatupad nito ang Batas Bell sa Kalakalan at Susog Pariti para isandig ang ekonomya ng Pilipinas sa US—gawing tagaluwas ng hilaw na materyales at tagabili ng yaring produkto ng US at tambakan ng labis na produkto’t kapital. Sa larangang militar, ipinatupad ang mga kasunduan sa base at tulong militar at ang Mutual Defense Treaty na nagsemento sa pagsailalim ng lokal na armadong pwersa sa kumpas ng militar at estado ng US. Mula noon hanggang ngayon, pinatatatag at pilit na pineperpekto ng US at nagpapalit-palitang nakaupo sa estado poder na kinatawan ng lokal na naghaharing pangkatin sa bansa ang sistemang malakolonyal at malapyudal ng lipunan.

Sa kasalukuyang pagkalubog sa karagatan ng papatinding krisis at di mapigilang pagbulusok ng imperyalismong US, nagpipilit itong muling makaahon at makaangat sa lahat. At bilang pinakamatandang kolonya ng US sa Asya, gumagampan ang Pilipinas ng mahahalagang papel sa pagtutulak ng mga desperadong hakbangin ng US para isalba ang imperyalistang ekonomya. Malinaw itong ipinahiwatig sa naging performance ng kalihim sa depensa ni Marcos na si Gibo Teodoro, isa pang sagadsaring maka-US sa katatapos na Shangri-La Dialogue na ginanap sa Singapore nitong huling linggo ng Mayo. Sa pulong na ito, buong-giliw na inilako ni Teodoro ang Pilipinas sa US at iba pang mga bansa para magsilbing istasyong militar. Tigas-mukha din nitong dinepensahan ang US at Japan at tila ba inaabswelto sa malalaking krimen nito sa  digma sa brutal na pagsalakay sa Pilipinas. Sa mga astang ito, hindi nakapagtatakang siya rin ang pasimuno sa pasistang paninibasib ng AFP sa Pilipinas laluna sa kanayunan.

Makatwiran ang pangamba at galit ng mga Pilipino sa garapalang pangangayupapa ng rehimeng US-Marcos II. May kaakibat na mas matinding pasistang panunupil sa mamamayang Pilipino ang pinatitinding panghihimasok militar ng US sa Pilipinas na dapat lamang labanan. Tinatawagan namin ang lahat ng patriyotikong Pilipino na makiisa sa pinakamalawak na alyansa laban sa imperyalismo at hatid nitong pasismo at gera. Dapat pag-ibayuhin ng lahat ng inaaping mamamayan ang kanilang pagkakaisa at pakikibaka para sa kalayaan at pambansang demokrasya.

Sa diwa ng mga bayaning rebolusyonaryong Pilipino mula panahon ng kolonyalismo, dapat muling bigkisin ng pagmamahal at pagtatanggol sa bayan ang buong sambayanang Pilipino para wakasan ang malakolonyal na paghahari ng US sa bansa. Hindi kailanman magkakaroon ng tunay na pambansang kalayaan at demokrasya sa Pilipinas kung hindi maibabagsak ang estadong mapang-api at mapagsamantala na kinukubabawan ng imperyalismong US. Maibabagsak lamang ito sa pamamagitan ng isang pambansa-demokratikong rebolusyon sa pamumuno ng Communist Party of the Philippines.

Source link