Ang Bayan Ngayon » Rebolusyonaryong kilusan sa Laguna, namahagi ng mga polyeto

Pinangunahan ng National Democratic Front (NDF)-Laguna, katuwang ang Revolutionary Council of Trade Unions (RCTU)-Laguna, ang pamamahagi ng mga polyetong naglalaman ng mga pahayag nito sa mga sentrong syudad ng prubinsya noong Abril 29-30. Ilandaang polyeto ang naipamudmod nito sa layuning himukin ang mamamayan ng prubinsya na kumilos at lumahok sa pambansa-demokratikong rebolusyon.

Nilalaman ng pahayag ng tagapagsalita ng RCTU-Laguna na si Teodoro Miguel ang pagbati sa uring manggagawang Pilipino sa paggunita sa Pandaigdigang Araw ng Paggawa noong Mayo 1. “Pagpugayan natin at alalahanin ang buhay at sakripisyo ng ating mga bayaning manggagawa na inialay ang kanilang angking talino, at natatanging buhay para sa kapakanan ng inaaping uri at laban sa mapang-aliping sistemang sahuran,” ayon sa pahayag.

Hinimok ng RCTU-Laguna ang manggagawang Lagunense na maunawaan na ang malakolonyal at malapyudal na sistemang kinukubabawan ng imperyalismo na ugat ng napakababang sahod at pang-aalipin sa kanyang uri ay matatransporma lamang sa pamamagitan ng Demokratikong Rebolusyong Bayan. “Nararapat tayong makiisa at iugnay ang ating pakikibaka sa sahod at karapatan sa paggawa sa pakikibakang anti-pyudal ng malawak na masang magsasaka at kapwa itaas ito sa anti-imperyalistang pakikibaka,” ayon kay Miguel.

Higit sa lahat, anito, kailangang yakapin ng manggagawa ang armadong pakikibaka bilang esensyal na sandata sa pagpapalaya sa sambayanang Pilipino mula sa imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo. “Kung laksa-laksang manggagawa ang lalahok sa armadong pakikibaka, sasampa sa Bagong Hukbong Bayan, at mamumuno rito, tiyak na magkakamit ng malaking igpaw pasulong ang rebolusyong Pilipino,” pahayag ni Miguel.

Samantala, itinampok rin sa mga polyeto ang pahayag ni Malaya Asedillo, tagapagsalita ng NDF-Laguna. Binati niya ang ika-53 anibersaryo ng NDFP na ginunita noong Abril 24. Sa pahayag, nanawagan si Asedillo sa mga Lagunense na labanan ang gerang agresyon ng imperyalismong US sa Asia-Pacific. Hininok rin niya ang mamamayan na suportahan ang digmang bayan.

Ang pangangahas ng mga rebolusyonaryong grupo sa Laguna na mamahagi ng polyeto ay nagpapabatid na buhay na buhay ang rebolusyonaryong kilusan sa prubinsya at handa itong balikatin ang mas marami pang tungkulin para mapagpasyang lumakas.

Source link