Ang Bayan Ngayon » Pagsuspinde ng PRC kay Lorraine Badoy, inisyal na tagumpay ng mga manggagawang pangkalusugan

Sinuspinde ng Professional Regulation Commission (PRC) ang lisensya bilang doktor ni Lorraine Badoy, dating tagapagsalita ng National Task Force-Elcac, matapos mapatunayang lumabag siya sa pamantayan ng wastong asal sa propesyon. Ang desisyon ay kaugnay ng Red-tagging at mga walang batayang akusasyon ni Badoy laban sa mga doktor at manggagawang pangkalusugan, laluna sa progresibong unyon na Alliance of Health Workers (AHW)

Sa desisyon ng komisyon na may petsang Mayo 8, 2026, pinatawan ng PRC Board of Medicine ng anim na buwang suspensyon si Badoy sa kanyang Certificate of Registration dahil sa umano’y “hindi etikal” at “di-propesyonal na asal” na paglabag sa Code of Ethics of the Medical Profession. Bunsod nito, pinagbabawalan siyang makilahok sa anumang gawain na may kinalaman sa pagsasanay ng medisina habang may bisa ang suspensyon.

Ayon sa AHW, pinagtitibay ng desisyon na hindi maaaring gawing sandata ng mga propesyunal ang kanilang awtoridad upang magpakalat ng mga walang basehang akusasyon na nagsasapanganib sa buhay ng ibang tao.

“Ito ay isang inisyal na tagumpay para sa mga doktor, nars, at iba pang propesyunal na tumitindig laban sa panggigipit at pang-aabuso sa kapangyarihan…bagaman kulang ang anim na buwang suspensyon kumpara sa hiniling naming pagbawi ng lisensya, malinaw ang mensahe: may kapalit ang red-tagging,” pahayag ng grupo.

Noong 2022, inihain ng AHW ang reklamo sa PRC at hiniling na bawiin ang lisensya ni Badoy dahil sa kanyang paulit ulit na Red-tagging sa mga manggagawang pangkalusugan noong panahon ng pandemya ng Covid-19. Maliban dito, may 17 doktor na humiling ng suspensyon ng kanyang lisensya dahil sa mga pahayag na tinawag nilang “malubhang hindi propesyonal na kilos.”

Noong Abril 7 at 10, 2021, malisyosong pinaratangan ni Badoy ang AHW bilang grupo na “itinayo ng CPP-NPA-NDF” na may layuning pasukin ang gubyerno. Habang noong Abril 12, 2021, naglabas si Badoy ng pahayag sa midya na inaakusahan si Robert Mendoza at Benjamin Santos, dating presidente at pangkalahatang kalihim ng AHW bilang mga “operatiba at kadre ng CPP-NPA-NDF.” Inakusahan din ni Badoy si Dr. Nativdad “Naty” Castro bilang aktibong myembro, rekruter, tagasanay at tagalikom ng pondo para sa CPP-NPA-NDF.

Ayon sa AHW, ang ganitong mga pahayag ay naglalantad sa kanila sa kapahamakan sa panahong nananawagan sila para sa sapat na suporta ng gubyerno habang tumutugon sa mga pasyenteng may Covid-19. Dobleng pasakit sa kanila ang mga pahayag ni Badoy dahil sa panahon ng pandemya ay maraming manggagawang pangkalusugan ang namatay at nalagay sa panganib dahil sa kainutilan at militarisadong tugon ng noo’y rehimeng Duterte sa pandemya.

Nagpahayag din ng pagkagalak ang Movement Against Disinformation (MAD) sa desisyon ng PRC. “Ang lisensyang medikal ay may kaakibat na tiwala ng publiko…Hindi ito maaaring gawing panangga para sa padalus-dalos at walang ebidensyang paninirang-puri,” pahayag ni Atty. Rico Domingo, tagapangulong tagapagtatag ng MAD.

Ayon naman Atty.Tony La Viña, kasalukuyang tagapangulo ng MAD, pinagtitibay ng desisyon ng PRC ang malinaw na hangganan sa pagitan ng lehitimong pagpapahayag at mga walang basehang pampublikong akusasyon.

“Mahalaga ang prinsipyong ito. Maaaring may kalayaan sa pagpapahayag, ngunit ang isang propesyunal na gumagamit ng kanyang katayuan, plataporma, at pusisyon upang mag-akusa at magdikit ng mapanganib na katawagan sa mga totoong tao ay dapat managot sa mga pamantayang propesyunal,” paliwanag ni Atty. La Viña.

Nanawagan ang MAD sa mga regulatory body ng mga propesyon, mga upisyal ng gubyerno, midya, at mga plataporma na ituring ang Red-tagging at dis-impormasyon bilang mga usapin na kailangang may pananagutan at hindi bilang simpleng ingay sa pulitika.

Source link