Naglunsad ng protestang walkout ang mga estudyante ng Central Luzon State University (CLSU) noong Hunyo 22 sa kampus nito sa Nueva Ecija para kundenahin ang pagsupil sa kanilang demokratikong karapatan, Red-tagging at panggigipit ng estado sa mga lider-estudyante ng unibersidad. Mahigit 200 ang lumahok sa pagkilos na pinangunahan ng Anakbayan-CLSU at sinuportahan ng CLSU University Supreme Student Council (USSC).
Sa pagbubukas pa lamang ng akademikong taon ng CLSU nitong Hunyo, magkakasunod na pag-atake ang dinanas ng mga estudyante at kanilang lider mula sa mga pwersa ng estado at maging ng unibersidad.
Noong Hunyo 9-15, nagpaskil ang hinihinalang mga pwersa ng estado ng mga poster sa loob at palibot ng kampus na naglalaman ng Red-tagging sa mga lider-estudyante. Ilang ulit na pinagtatangal ng mga estudyante ang naturang mga poster ngunit pabalik-balik ding nagkabit ng mga bagong poster ang mga pwersa ng estado. Nagpalaganap rin ng mga polyetong naglalaman ng Red-tagging.
Noong Hunyo 11, pinatigil ng University Security Force (USF) ang mga boluntir ng CLSU USSC at Artista at Kabataan para sa Lupa at Soberanya (AKLAS) Nueva Ecija sa pagtatapos ng mural painting sa koordinadong aktibidad na Advocacy Wall. Ang mural painting ay likhang-sining na nananawagan para sa pagkamit ng karapatan sa lupa, sahod, edukasyon, serbisyong panlipunan, at katarungang panlipunan.
Noong Hunyo 12, dalawang hinihinalang mga pwersa ng estado ang “naghanap” sa tagapangulo ng CLSU USSC at uupong CLSU Student Regent na si Rashela Ballesteros, Cairo Sandoval ng Independent Campus Journalists’ Union for Press Freedom (ICJUPF), Loi Matias ng Unity of Leaders and Students for Advancement of Democratic Student Rights and Welfare (USAD-DSRW) at Eyu Bartolome ng Anakbayan Nueva Ecija.
Noong Hunyo 13, ginanap ang taunang NSTP Orientation na karaniwang ginagamit ng mga pwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) upang i-red-tag ang mga progresibo at lehitimong organisasyong masa ng mga kabataan. Sa naging oryentasyon, ipinakilala ang isang diumano’y dating kasapi ng Bagong Hukbong Bayan at inakusahan ang mga progresibong organisasyon na nagrerekrut ng mga kabataan sa armadong grupo.
Maliban sa Red-tagging, ipinamalas ng AFP ang pambabasatos nito sa kababaihan nang ipinarada at ginawang palamuti ang mga babaeng sundalo para hikayatin ang mga lalaking estudyanteng first year na pumaloob sa Reserve Officers’ Training Corps.
Bago pa ilunsad ng mga estudyante ng CLSU ang walkout, naglabas ang mga organisasyon, pahayagan at konseho ng mag-aaral sa unibersidad ng isang nagkakaisang pahayag at pagtindig. Kinundena ng 28 mga organisasyon, pahayagan at konseho ang Red-tagging, paniniktik, pananakot, at panlilinlang ng mga ahente ng estado laban sa aming kapwa estudyante at sa buong hanay ng nakikibakang kabataan sa prubinsya.
“Nagkakaisa kaming ang mga pasistang atakeng ito, bagaman tila hiwa-hiwalay, ay bahagi ng isang disenyo ng institusyonalisado at sistemikong pagdidiskaril sa pagkamit ng mga kabataan at buong sambayanan ng aming mga demokratiko at patriyotikong mithiin para sa tunay na libreng edukasyon at isang lipunang tunay na malaya,” ayon sa kanilang pahayag.
Matapang nilang paninindigan, hindi nagpapasupil ang mga kabataan. “Sa pamamagitan ng pagiging mga lider-estudyante, aktibista, at mamamahayag, binibitbit ng mga mag-aaral ang batayang interes ng mamamayan at kapwa-estudyante patungo sa mas malawak na entablado upang lumikha ng mga makabuluhang pagbabago sa pamamagitan ng sama-sama at organisadong pagkilos,” anila.
Samantala, natulak ng walkout at panawagan ng mga estudyante ang administrasyon ng CLSU na maglabas ng memorandum na lumilikha ng Committee on the Formulation of Guidelines on Addressing Red-Tagging Concerns. Ayon sa mga grupo, hakbang ito para matiyak ang mga karapatan sa akademikong kalayaan at iba pang karapatang-tao.











