Nagmartsa noong Mayo 30 ang mga residente ng Pakil, Laguna mula sa Plaza Adonay patungo sa palibot ng bayan noong Mayo 30 upang kundenahin ang planong pagtatayo ng Ahunan Dam sa prubinsya. Pinangunahan ng Mamamayang Nagmamahal sa Pakil (MaNaPak), kasama ang mga grupong pangkalikasan at taong simbahan, binitbit nila ang temang ““Lusong bago Ahon: Lakad panalangin at panaghoy ng sanlikha.”
Ang dam o Pakil Pumped Storage Hydroelectric Power Project ay itatayo sa Sierra Madre, partikular sa bundok Ping-as na itinuturing ng mga deboto na sagrado at mahalagang bahagi ng taunang “Ahunan” o pag-akyat bilang panata sa Birhen ng Turumba. Higit sa pangkulturang halaga, ang bundok at mga bukal ng Pakil ay pinagkukunan ng malinis na tubig, irigasyon, at kabuhayan ng mga residente.
Una nang kinundena ng mga residente ang pagkakalbo ng higit 100 na ektaryang kagubatan sa Sierra Madre, at patuloy pagbutas nang may 500 na metrong lalim sa lupang tinatayuan ng Ahunan Dam. Dahil sa pagbubutas ng lupa at pagpuputol ng mga puno, lumalala ang banta ng pagguho ng lupa sa erya kung saan itinatayo ang proyektong ito.
Dagdag dito ang panggigipit at sapilitang pagpapalayas ng kumpanya sa ilang residente ng Sityo Pinagkampuhan para bigyang daan ang konstruksyon ng dam. Pinipigilan ang mga magsasaka na pumunta sa kanilang palayan at pumasok sa kalapit na kagubatan, habang ang mga mangingisda ay hindi na pinapayagang mangisda sa ilang bahagi ng Laguna Lake na sakop ng proyekto. Nagdulot ito ng kawalan ng hanapbuhay at pagkain para sa mga pamilyang umaasa sa agrikultura at pangingisda.
Ang proyekto ay pagmamay-ari ng Ahunan Power Incorporated, pinagsamang negosyo ng Prime Metro Power/Prime Infrastructure, kumpanyang pagmamay-ari ni Enrique Razon Jr.’s at JBD Water Power Inc. at nagkakahalaga ng US$1.1 bilyon.
Saklaw ng proyekto ang nasa 299.40 ektarya sa mga barangay ng Baño, Burgos, Rizal, at Taft. Target na magsimula ang operasyon ng dam sa 2027.











