PRWC » 5 tropa ng 20th IB, patay sa aktibong depensa ng BHB-Northern Samar

Limang pasistang tropa ng 20th Infantry Battalion ang napatay at maraming iba pa ang nasugatan sa aktibong depensa ng isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan-Rodante Urtal Command sa Barangay Catotoogan, Las Navas, Northern Samar noong Hunyo 4, alas-2:37 ng hapon.

Nagsasagawa ng clearing operation ang mga pasistang tropa nang maunang makapagpaputok ang mga nakaalertong Pulang mandirigma. Makalipas ang limang minutong tuluy-tuloy na nagpapaputok ay agad na umatras ang mga kasama. Patuloy pang nagpaputok ang mga pasista hanggang sa narating nila ang nilisang pusisyon ng BHB, nang hindi nalalamang limang minuto na palang wala roon ang pinapaputukan nila.

Masa mismo ang nagpaabot sa BHB hinggil sa maraming kaswalti ng 20th IB. Kinagabihan ng labanan ay tuluy-tuloy na dumadaan ang mga ambulansya sa kalapit na kalsada. Nagpalipad din ng helikopter ang militar para sa kanilang mga kaswalti.

Labis na nagimbal ang 20th IB sa kanilang kabiguan. Kung noon ay idineklara nilang nabuwag na ang larangang gerilya ng BHB sa Northern Samar, ngayon ay ipinakakalat nila sa masa na tatlong platun ng BHB ang lumusob sa kanila. Sila mismo ang nagsasabi sa masa na “marami pang NPA.” Ang totoo ay nalamangan sila ng mahusay na taktikang gerilya at superyor na kaalaman sa tereyn ng BHB.

Hindi totoong may nakuhang armas o may natamong kaswalti ang BHB. Itinanim lang ng mga tropa ni Lt. Col. Richard Villaflor ang ripleng M-16, army pouch at mga magasin na ayon sa 20th IB ay nakumpiska mula sa mga kasama. Isa na naman itong desperadong hakbang para pagtakpan ang kanilang pagkatalo.

Patuloy pa rin ang pasistang pananalasa ng 20th IB sa mga baryo sa Las Navas at hanggang sa Catubig. Patuloy ang pagpapasuko at panghaharas nila sa mga inosenteng magsasaka. Sa Barangay Imelda na kalapit ng Catotoogan, tuluyang naitayo ang kampo militar na nasa saklaw ng 500 metros na radius ng baryo, taliwas sa isinasaad ng internasyunal na makataong batas.

Ang matagumpay na pagtatanggol sa sarili ng Rodante Urtal Command ay patunay ng pagpupunyagi ng BHB sa landas ng digmang bayan. Sa gitna ng ingay at gulo ng pulitika sa bansa at banta ng imperyalistang digma, ang alingawngaw ng mga bala ng BHB ay nagbibigay pag-asa sa mamamayan na nariyan ang rebolusyonaryong hukbo na hahawan sa landas tungo sa tunay na kalayaan, demokrasya at kapayapaan.

Source link