Inilantad ng balangay ng Kabataan Party-list sa Eastern Visayas ang magkakasunod na kaso ng panghaharas, profiling at Red-tagging ng mga ahente ng estado sa mga kabataang aktibista. Idinadamay ng estado maging ang pamilya ng mga aktibista. Naiulat ang mga kasong ito sa nagdaang dalawang buwan.
Ayon sa grupo, noong Abril lamang ay pinuntahan ng mga ahente militar ang tahanan ng mga kasapi ng Tindog Kabataan, organisasyon ng kabataan sa Northern Samar, at ng The Pillar, pahayagang pangkampus ng University of Eastern Philippines sa parehong prubinsya. Nagbanta ang mga ahente sa mga aktibista na kabilang sila sa listahan ng mga nakapailalim sa sarbeylans ng militar.
Noong Septyembre 2025, binigyan ng “akreditasyon” ng pamahalaang panlalawigan ng Northern Samar ang Tindog Kabataan bilang isang sosyo-sibikong organisasyon. Ang grupo, na unang itinayo bilang Northern Samar Youth for Leni, ay aktibo ngayon sa mga aktibidad ng pagkakawanggawa at bolunterismo.
Sa Leyte, ginipit naman ng mga indibidwal na nagpakilala na mula sa upisina ng presidente ang ilang kasapi ng Kabataan Party-list sa Tacloban City noong Marso.
Sapilitan silang kinuhaan ng impormasyon. Makailang ulit ding pinilit ang isang kasapi ng grupo na makipagkita kay Jason Rafales, isang notoryus na ahente ng militar.
Liban dito, pinuntahan ng mga sundalong nakabihis sibilyan ang bahay ng isang myembro ng Kabataan Party-list. Nagdulot ito ng takot at pagkabahala sa buong pamilya.
Nakaranas din ng panggigipit at pangre-red-tag ang mga estudyante, ang ilan ay kasapi ng Kabataan Party-list, na lumahok sa pag-alala ng pag-aalsang EDSA sa Baybay City. Kabilang sa nagpalaganap ng mga malisyosong akusasyon ang mga istap at kadete ng Reserve Officers’ Training Corps ng Visayas State University.
Ayon sa Kabataan Party-list Eastern Visayas, ang ganitong panggigipit sa kanilang mga kasapi ay bahagi ng sistematikong pag-atake sa mga kabataang aktibista sa rehiyon. Salamin ito sa umiigting na militarisasyon sa mga demokratikong espasyo. Sa pangunguna ng National Task Force-Elcac, ginagawang normal ng estado ang militarisasyon ng mga kampus at paaralan sa pamamagitan ng mga porum, aktibidad at “pagtutulungan” na umaatake sa mga organisasyon ng kabataan upang isulong ang kanilang adyendang kontra-insurhensya.
Nanawagan ang grupo sa mga unibersidad at paaralan na tapusin ang lahat ng pakikipagtulungan sa mga pasistang institusyon. Anila, dapat ipatanggol ng mga administrasyon ang mga estudyante sa panggigipit, Red-tagging at ibang anyo ng pag-atake ng mga pwersa ng estado, at itaguyod ang akademikong kalayaan at mga demokratikong karapatan.
“Karapatan at tungkulin natin bilang mga makabayang mag-aaral at kabataan na tuligsain at magprotesta laban sa korap at mapang-aping rehimeng Marcos Jr sa gitna ng krisis pang-ekonomya at mga digmang imperyalista ng US,” paggigiit ng grupo.
Sa kabila ng pang-aatake, nagpahayag ang Kabataan Party-list Eastern Visayas na patuloy itong magpupunyagi sa pakikibaka na papanagutin ang administrasyon sa palpak nitong tugon sa krisis, pangungurakot ng pampublikong pondo, at pagbebenta sa soberanya ng bansa. “Dapat nating paigtingin ang ating kolektibong paglaban sa gitna ng tumitinding pag-atake,” panawagan nila.











