PRWC » Opensiba sa kultura laban sa imperyalismong US at rehimeng Marcos!

Sa paggunita ng ika-53 anibersaryo ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP), muli nating pinagtitibay ang panatang ilunsad ang opensiba sa kultura laban sa imperyalismong US at sa papet nitong rehimeng Marcos. Saligang batayan ng opensibang ito ang pambansa-demokratikong pagsusuri na ang kasalukuyang lipunang Pilipino ay nananatiling malakolonyal at malapyudal, na kinukubabawan pangunahin ng imperyalismong US. Hindi lamang sa pamamagitan ng pulitika, militar at ekonomya ipinapataw ng imperyalismong US ang impluwensya nito, kundi pati na rin sa kultural na anyo—isang aspeto na malalim nang sumaklot sa kamalayan ng mamamayan.

Gamit ang burgis na midya, edukasyon, simbahan, institusyong pangkultura at sining, ginagawang kontrolin at manipulahin ng mga imperyalistang bansa, partikular ng US ang isipan ng mamamayan. Sa ganitong sistema, ang hegemonyang kultural, na tinatawag ding imperyalistang dominasyon sa kultura, ay hindi na lamang nakapangyayari dahil sa kontrol sa mga materyal na yaman, kundi sa pagmanipula sa ideya, pagpapahalaga, at ang pagkakalarawan ng tunay na kalagayan ng lipunan.

Hinuhulma ng mga ito ang makadayuhan, burgis at dekadenteng kultura habang sinusuhayan ang pyudal na kulturang pinreserba nito mula sa kolonyalistang Espanyol. Ang mga malalaking korporasyon at ang kanilang koneksyon sa mga imperyalistang kapangyarihan ay nagsisilbing mga tagamudmod ng mga produkto at kaisipang humuhubog ng mga baluktot na pananaw ng mga tao sa kanilang sarili at sa kanilang lipunan. Sa gayo’y nililikha nito ang penomenon kung saan ang pagkonsumo ng produkto o nilalaman (content) ng mga panuorin, awit, at iba pa ng mga tao ay kumikiling sa nais na isiksik ng naghaharing uri at imperyalismo bilang katanggap-tanggap sa kanilang pamantayan. Inililihis ng ganitong kalakaran ang mamamayan sa pag-oorganisa at pakikipagkaisa sa kapwa aping uri at sektor bunsod ng pagbitag sa kanila ng imperyalismo sa indibidwalismo o lubhang pagpapahalaga sa sariling pag-iral at kapakinabangan. Layon nitong patayin ang diwang makabayan ng mamamayang api at ipreserba ang neokolonyal na paghahari ng US.

Nagtatago sa mga naratibong “kooperasyon” at “modernisasyon” ng imperyalismong US ang tunay na layunin ng ibayong pagkontrol nito sa mga bansang tulad ng Pilipinas para gamiting pansalba sa kanyang bangkarote at naghihingalong ekonomya. Ginagamit ni Donald Trump ang kolonyal na kontrol sa Pilipinas para gamiting kasangkapan sa ultimong layuning makabalik sa tuktok ng imperyalistang paghahari sa daigdig. Ang mga joint military exercises tulad ng Balikatan ay bahagi ng mas malawak na estratehiya ng kontrol sa kapangyarihan, na nilalangkapan ng malaganap na kultural na aspeto para ipatanggap sa mamamayan ang nilubid na kasinungalingang bahagi ito ng pagtatanggol sa Pilipinas. Nariyang niloloko ang mamamayan ng pabangong mga proyektong pagpapaayos ng mga eskwelahan at pasilidad sa San Narciso, Quezon at Aborlan, Palawan para ipintang makatao at mapagmalasakit ang US bago isubo ang mamamayan sa bala ng kanyon. Bukod pa, laganap ang mga kasinungalingang ang presensyang militar ng US ay para sa kapakanan at kaligtasan ng sambayanang Pilipino laban sa China “na siyang tanging kalaban sa usapin West Philippine Sea” at iba pa. Kasabwat nila ang mga lokal na naghaharing uri at ang mga ahente ng imperyalismong US kabilang ang Akbayan at si Risa Hontiveros na silbing mouthpiece laban sa China. Sila ang nagpepreserba sa malalim na pag-ugat ng US sa lahat ng aspetong panlipunan ng bansa at nagpapalalim lamang sa mga ugat ng kaapihan ng mamamayan sa tabing ng itinuturing nilang “kaunlaran”.

Para sa pagpapanatili at pagtatanggol sa neokolonyal na estado sa Pilipinas, inihahasik ng imperyalismong US sa pamamagitan ng AFP ang malupit na gera ng panunupil laban sa mamamayan at lahat ng porma ng kanilang lehitimong pakikibaka. Resulta nito ang patung-patong na pagdurusa at karahasang nararanasan ng mamamayan na nagtutulak sa kanila upang mag-aklas at lumaban.

Nagsisilbing larangan ng pakikibaka ang mga lansangan na pinupuno ng sigaw para sa hustisya at karapatan. Teatro ng digma ang kanayunan kung saan pangunahing inilulunsad ang armadong pakikibaka ng mga Pulang mandirigma kasama ang masang magsasaka at pambansang minorya para ibagsak ang sistemang malakolonyal at malapyudal. Nitong Abril 19 naganap ang karumaldumal na masaker sa Toboso, Negros Oriental, kung saan 19 na tao ang pinatay ng mga pwersang militar at paramilitar. Para ipagtanggol ang kanilang mga krimen, nagkakalat ang AFP sa dikta ng US ng mga pekeng impormasyon gamit ang mga troll farms, at dinedemonisa ang mga biktima sa paratang na “terorista” o “wasted life.” Layunin ng mga pekeng impormasyon na ito na baluktutin ang mga kwento ng mga biktima, na nagsisiwalat ng tunay na kalagayan ng masa; ang mga magsasaka, manggagawa, at mga mamamayang naninindigan laban sa sistema ng pambubusabos at pagsasamantala.

Binabago ng estado ang katotohanan at pinalalabas na ang mamamayang lumalaban ay hindi karapat-dapat sa simpatya o pag-unawa, o na walang saysay ang kanilang pakikibaka. Desperado ang estado na durugin ang pag-aaklas ng rebolusyonaryong kilusan sa kagustuhan nitong ipihit ang pokus ng gera sa layunin ng US na kaladkarin ang Pilipinas sa digma nito sa China. Tinik sa lalamunan nito ang CPP-NPA-NDFP na ipinaglalaban ang tunay na kalayaan at demokrasya at tanging tagapagtanggol ng inaapi at pinagsasamantalahang sambayanan. Ngunit anumang paninira ang gawin ng imperyalismong US at ng estado, patuloy na maghahanap ang mamamayang Pilipino ng tunay na solusyon sa dinaranas nilang kahirapan.

Mahalaga ng papel ng mga artista, manunulat, at iba pang tagapaglikha na may makapangyarihang papel sa paglaban sa mga kasinungalingan ng estado at pagpapahayag ng katotohanan. Tulad ng sinabi ni Mao Zedong na ang sining ay hindi dapat maging kasangkapan ng mga naghaharing uri kundi isang pwersang naglilingkod sa masa, dapat natin itong gamitin bilang armas para ilunsad ang isang pangkulturang kontra-opensiba laban sa imperyalismong US at papet na rehimeng Marcos. Ang ating sining at likha ay hindi lamang dapat magkaanyo ng pagpapahayag ng damdamin, kundi paglalantad ng tunay na kalagayan ng lipunan at paano babaguhin ang kalagayang ito. Magagawa natin ito kung tayo ay puspusan at matiyagang lulubog, makikipamuhay at makikibaka kasama ang masang anakpawis sa kanayunan at kalunsuran. Kasabay nito, dapat magpakabihasa ang mga aktibista at rebolusyonaryong manggagawang pangkultura sa nilalaman ng linya at programa ng demokratikong rebolusyong bayan at teorya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo. Dapat hasain at pandayin ang kanilang sarili sa proletaryong pagpapanibagong-hubog at linangin ang komunistang diwa ng buong-pusong paglilingkod sa masang api. Sa ganitong paraan lamang natin mahuhulma ang ating sarili at kasanayan sa rebolusyonaryong sining at panitikan na tiyak na tatangkilikin at aangkinin ng masa.

Source link