Nagpahayag ng pagkabahala at pangamba ang mga mangingisda sa planong “rehabilitasyon” ng US sa Sangley Point International Airport (SPIA) sa Cavite City, isang sibilyang paliparan, para maging bahagi ng inilalatag nitong Luzon Economic Corridor. Sa isang pahayag, kinundena ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) ang mga hakbang na ito ng US.
Noong Mayo 12, inianunsyo ng US Trade and Development Agency (USTDA) na popondohan nito ang isang feasibility study para itransporma ang paliparan sa dual-use o dalawahang-gamit na pasilidad para sa sibilyan at militar. Ang Sangley Point ay dating base ng US Navy. Ibinalik ito ng US sa estado ng Pilipinas noon pang 1971.
Tatayong kasosyo ng US sa proyekto ang Cavitex Holdings Inc. (CHI) at ang The S-A-P Group para isagawa ang pag-aaral. Ang CHI ay pagmamay-ari ng mga Virata, isang pamilyang malapit sa mga Marcos. Isa sa mga Virata, si Cesar Virata, ay nagsilbing punong ministro ng diktadurang US-Marcos Sr. Ang S-A-P Group naman ay isang aviation consulting firm na nakabase sa San Francisco, California.
Balak ng US na gamitin ang Sangley Point para sa mga direktang flight mula sa mga mayor na paliparan ng US. Gagamitin dito ang mga teknolohiyang Amerikano tulad ng mga scanner, radar, at sistemang telekomunikasyon para matiyak ang kontrol dito ng US. May natatanging estratehikong posisyon ang Sangley Point sa bukana ng Manila Bay. Malapit ito sa Metro Manila habang may direktang ruta tungo sa South China Sea. Inihahanda ng US ang paliparan para mabilis itong makaangkop bilang forward operating base ng mga tropa at gamit militar.
“Hindi kami mangmang sa masamang adyenda ng US sa pagpopondo sa rehabilitasyon at tuluyang transpormasyon ng SPIA,” ayon kay Fernando Hicap, pambansang tagapangulo ng Pamalakaya, sa isang pahayag noong Mayo 31. Aniya, katulad ng pagtatayo ng mga pasilidad-militar sa hindi bababa sa siyam na EDCA site sa buong bansa ay katulad ang layunin ng US sa SPIA.
Nanawagan si Hicap sa mga Pilipino na maging mapagmatyag laban sa patago at hayagang pakikialam ng dayuhang militar sa nagbabalat-kayong rehabilitasyon ng isang sibilyang pasilidad.
Samantala, ipinahayag ng balangay ng Pamalakaya sa Cavite ang pangambang lubhang maaapektuhan ng mga aktibidad militar ng US sa SPIA ang kanilang hanapbuhay at seguridad. “Hindi kami mapapanatag na may pasilidad ng Amerika malapit sa aming pangisdaan, lalong higit kung ito ay kanilang baseng militar,” ayon kay Richard Catenza, pangulo ng Pamalakaya-Cavite.
Aniya, maraming karanasan ang mga mangingisda na napeperwisyo ang kabuhayan tuwing may aktibidad ng mga sundalong Amerikano sa mga dagat at baybayin. Pinakahuli sa mga ito ang pagpapatupad ng ‘no sail zone’ sa Zambales noong Mayo 28-30 para bigyang daan ang US-PH war games at mas matagal noong Abril para sa Balikatan 2026.
“Dapat itong pigilan hindi lamang ng mga mangingisda ng Manila Bay, kundi ng mga residente ng baybayin na maaaring maipit sa kung anumang sigalot na kinasasangkutan ng US,” panawagan ni Catenza. Hinamon niya ang mga lokal na gubyerno ng Cavite na magpahayag laban sa presensya ng tropang militar at kagamitang pandigma ng US sa SPIA at prubinsya. “Dapat magpahayag ng pagkabahala at bantayan ang planong ito na panghimasukan ng dayuhan ang pagpapatakbo at operasyon ng pampublikong pasilidad.”











