Ang Bayan Ngayon » Mahigit 50 makasaysayang pook sa Maynila, nanganganib masira dahil sa proyektong SALEX

Nagbabala ang grupong Manileños for Heritage (M4H), mga tagapagtanggol ng pamanang kultura, na higit sa 50 kultural at makasaysayang pook sa Maynila ang maaaring maapektuhan dahil sa proyektong Southern Access Link Expressway (SALEX).

Nagmula ang pangamba sa planong ruta ng expressway na dadaan sa Quirino Avenue, San Marcelino Street, at Roxas Boulevard—mga lugar na kinaroroonan ng iba’t ibang makasaysaysayang istruktura tulad ng mga monumento, simbahan at parke.

Sa inisyal na pagsisiyasat ng grupo, ilan sa maaaring direktang o di-tuwirang maapektuhan ang Casa Tesoro, Jose P. Laurel Foundation Building, at ang Elpidio Quirino Monument. Kasama rin sa mga maaapektuhan ang mga pook mula pa sa panahon ng kolonyal ng Espanya gaya ng Malate Church, Fort San Antonio Abad, at Paco Park.

Binanggit ng grupo na na maaaring maapektuhan ang mula sa panahon ng Amerikano at pagkatapos ng digmaan, kabilang ang mga gusali sa loob ng Philippine General Hospital at University of the Philippines Manila.

Maaaring maapetuhan kahit ang mga istrukturang wala sa mismong ruta, tulad ng Syquia Apartments, dahil sa pagbabago ng tanawin at pagkawala ng mga tayog nito kapag naitayo ang mataas na expressway.

Bukod sa mga gusali, naitala rin ng M4H ang matatandang puno sa kahabaan ng ruta—tulad ng narra, mahogany, acacia, at fire tree na ang ilan ay naputol na o nakatakdang alisin.

Nagbabala ang grupo na maaaring makompromiso ng proyekto ang pangangalaga sa pamanang kultura, kalagayan ng kapaligiran, at kalidad ng buhay ng mga residente.

Una nang binatikos ang proyektong SALEX at Department of Environment and Natural Resources dahil sa pagputol ng mahigit 200 nang matatandang puno sa kahabaan ng Quirino Avenue. Napilitan ang DENR na isuspinde ang planong pagputol sa hindi bababa sa 617 puno dahil sa malawakang pagbatikos at protesta ng mga grupong pangkalikasan.

Ang SALEX ay proyekto ng sangay sa imprastruktura ng San Miguel Corporation. Idinisenyo ito para mapabilis ang daluyan sa pagitan ng katimugang bahagi ng Metro Manila.

Hinihimok ng mga nagpapahalaga sa pamanang kultura sa mga ahensya ng gubyerno na maglunsad ng mas komprehensibong pagsusuri sa epekto sa kultura ng proyektong SALEX. Giit nila, dapat maprotektahan ang mga makasaysayang tanawin ng Maynila kasabay ng mga pagsisikap na paunlarin ang imprastruktura ng transportasyon.

Source link