Sinalubong ng protesta ng mga Pilipinong migrante at progresibong grupo sa Japan ang pagdating ni Ferdinand Marcos Jr sa bansa noong Mayo 26 para sa apat na araw na upisyal na bisita. Ang bisita ay sa imbitasyon ng gubyerno ng Japan na pag-usapan ang bilateral defense at kooperasyon sa seguridad sa pagitan nito at ng Pilipinas. Dagdag ding layunin ng mga pulong ang pagbenta ng murang lakas paggawa ng mga Pilipino at pagbili ng mga armas gamit ang utang na mula din sa Japan.
Naglunsad ng iba’t ibang aktibidad ang mga Pilipinong migrante sa Japan sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan-Japan at mga alyadong grupong Network Against Arms Trade (NAJAT), at Japan Campaign for Human Rights in the Philippines (JCHRP) bilang pagkundena sa mga kasunduan sa depensa at pagbebenta ng Japan ng opensibong mga armas sa Pilipinas. Ayon sa mga grupo, ang pagbebenta ng mga armas sa Pilipinas ay nagbibigay-daan sa patuloy na paglabag ng rehimeng Marcos sa karapatang-tao.
Sa Tokyo, nagtayo ng photo exhibit ang mga grupo mula Mayo 25-29 at naglunsad ng porum noong Mayo 25 at 26 sa Suginami City. Magkakahiwalay na protesta ang inilunsad noong Mayo 26 sa Roppongi Station, noong Mayo 28 sa House of Councillors Members Meeting Hall at Yotsuya Station, at noong May 29 sa harap ng National Diet. Kasama din sa mga pagkilos ang STOP Large Forces Expansion Action, STOP Revision/Kita Ward Association, Nihonzan Myoho-ji Temple, Fumin Women’s Democratic Club, at Japan Consumers Association.
Ayon sa JCHRP, ang ayuda sa seguridad at mga armas na ibebenta sa Pilipinas ay gagamitin hindi para pangalagaan ang mamamayan nito, kundi para patahimikin ang mga kritiko ng gubyerno. Sa halip na militarisasyon, mahalaga na pagtuunan ng gubyernong Marcos Jr ang kinakaharap na krisis ng mga Pilipino ayon sa grupo.
Planong bilhin ng rehimeng US-Marcos sa gubyerno ng Japan ang pinaglumaan na Abukuma-class (tinatawag din na destroyer escorts o frigates) na Type 88 Surface-to-Ship Guided Ammunition at Type 16 Mobile Combat Vehicle. Kasunod ito ng pagbasura ng gubyerno ng Japan sa patakaran ng bansa na nagbabawal na mag-eksport ng mga nakamamatay na armas. Dahil dito, maari nang magbenta ang gubyerno ng Japan ng mga armas, barkong pandigma at mga misayl sa 17 bansa na may mga kasunduan sa depensa.











